INAASAHAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maitatala ang inflation sa Nobyembre sa 4 hanggang 4.8 percent.
“Higher prices of most agricultural commodities like rice, fruit, fish, and meat items and adjustments in electricity, LPG, and toll rates are the primary sources of upward price pressures in November,” sabi ng BSP.
Gayunman, ang mga salik na ito ay maaaring ma-counter ng mas mababang presyo ng mga gulay at produktong petrolyo, gayundin ng paglakas ng piso kontra US dollar.
“Going forward, the BSP will continue to monitor developments affecting the outlook for inflation and growth in line with its data-dependent approach to monetary policy formulation,” ayon pa sa central bank.
Ang inflation ay bumagal sa 4.9 percent noong Oktubre makaraang bumilis sa nakaraang dalawang buwan.
Nananatiling kumpiyansa ang monetary officials sa pagbagal ng inflation hanggang sa katapusan ng taon at sa pagbabalik ng monthly level sa 2 hanggang 4 percent range ng pamahalaan sa susunod na taon.
Nakatakdang ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang official inflation data sa Martes, Disyembre 5.
LIZA SORIANO