(Sa pagtaya ng farmers’ groups) PRESYO NG BIGAS TATAAS PA

POSIBLENG tumaas pa ang presyo ng bigas bago ang susunod na anihan sa Marso, ayon sa ilang grupo ng magsasaka.

Sinabi ng Federation of Free Farmers (FFF) at Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) na kabilang sa mga salik na makapagpapataas sa presyo ng bigas ay ang agwat sa local supply at ang tumataas na presyo sa pandaigdigang merkado.

Sa pahayag ni FFF Chairperson Leonardo Montemayor sa Teleradyo Serbisyo, ang presyo ng palay ay tumaas na ng P30 kada kilo.

“Ang equivalent niyan sa presyo ng bigas sa retail, roughly times two, P60. Tapos ‘yung imported na bigas na pumupuno sa ating kulang na supply ay mahal at nagmamahal pa rin,” ani Montemayor.

Ayon naman kay PRISM co-founder Orly Manuntag, ang presyo ng bigas ay maaaring tumaas ng P1 hanggang P2 kada kilo  depende sa pandaigdigang merkado.

Base sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) noong Huwebes, ang presyo ng local well-milled rice sa Metro Manila ay nasa P45 hanggang P57, habang ang imported well-milled rice ay P52 kada kilo.