(Sa pagtaya ng isang ekonomista) PISO HIHINA SA BAGONG RECORD-LOW

INAASAHANG babagsak ang Philippine peso sa bagong record-low ngayong taon, sa tinatayang paglakas ng US dollar laban sa halos lahat ng Asian currencies sa pagpapatupad ni US President-elect Donald Trump ng protectionist policies.

Ayon kay HSBC economist for ASEAN Aris Dacanay, ang piso ay inaasahang hihina pa ng higit sa P59:$1 ngayong taon, isang record-low na huling naitala noong December 19, 2024, subalit hindi kasing baba ng P60:$1.

“We do think it will depreciate beyond P59 (to a dollar) at a timing, most probably, the risks are towards the second quarter of 2025,” aniya.

“We do think across the board, the USD will strengthen so all other Asian currencies will depreciate, but the Philippines will depreciate to a lesser extent and I do think it comes at the second quarter when the favorable seasonality actually diminishes,” dagdag pa niya.

Kasunod ito ng pahayag ni Trump na lalagdaan niya ang isang executive order na magpapataw ng 25% tariff sa mga produkto na magmumula sa Mexico at Canada, at ng karagdagang 10% sa China hanggang maharang nito ang smuggling ng fentanyl.

Pormal na sinertipikahan ng American Congress ang election victory ni Trump noong Miyerkoles bago ang kanyang inagurasyon sa January 20, 2025.

“We do think all Asian currencies will depreciate across the board but the Philippines will be the more resilient one, mainly because there are three conditions that make the Philippines or at least the peso currency more robust,” ani Dacanay.

Kabilang sa mga dahilan na kanyang binanggit ay ang pagiging “relatively insulated to tariff risks” ng Pilipinas, ang pagkakaroon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mas maraming reserves kumpara sa ibang central banks sa ASEAN, at ang paglago ay inaasahang mananatiling malakas.

Sa datos ng BSP, ang dollar reserves ng bansa ay nasa $106.837 billion hanggang end-December 2024, mas mababa sa $108.488 billion noong November 2024, dahil sa net foreign exchange operations.

Samantala, ang ekonomiya ng bansa ay lumago sa 5.2% sa third quarter ng 2024, na naghatid sa year-to-date average sa 5.8%, mas mababa sa revised target ng pamahalaan na 6.0%-6.5%. Ang fourth-quarter at full-year 2024 figures ay nakatakdang ilabas sa January 30, 2025.

Para sa taong ito, sinabi ni Dacanay na ang ekonomiya ng bansa ay inaasahang mag-a-average sa 6.3%, na pasok sa target range ng pamahalaan na 6.0% hanggang 8.0%, subalit mas mababa sa paunang target na 6.5% hanggang 7.5%.