(Sa pagtaya ng World Bank) PH ECONOMY LALAGO NG 5.7% SA 2022

WORLD BANK-TELCOS

TINATAYANG lalago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 5.7 percent sa 2022 at 5.6 percent sa 2023 at 2024, ayon sa Philippines Economic Update ng World Bank na inilabas nitong Miyerkoles.

“The growth outlook for the Philippines remains positive but subject to downside risks,” wika ni World Bank senior economist Kevin Chua.

Ayon kay Chua, sa kabila na mas mabagal ang paglago kumpara sa target ng pamahalaan, ang ekonomiya ng Pilipinas ay mananatiling isa sa top performers sa rehiyon.

Nauna rito ay ibinaba ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang Philippine economic growth target para sa taon mula 7 hanggang 8 percent mula sa initial forecast na 7 hanggang 9 percent.

Tinukoy sa World Bank report ang ilang banta sa paglago, kabilang ang inflation na maaaring makaapekto sa household spending. Ang inflation ay bumilis sa 5.4 percent noong nakaraang buwan, lagpas sa 2-4 percent target range na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang iba pang maaaring makaapekto sa paglago ng ekonomiya ng bansa ay ang nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at ng Ukraine na nagpapataas sa oil at global commodity prices, ang biglaang paghihigpit sa policy rates sa US, ang pagdadahan-dahan sa China na maaaring makaapekto sa global supply chain, at ang pagsulpot ng bagong COVID-19 variants.

“Yes, it [debt] will be a drag for growth, this is the reason why we’re recommending fiscal consolidation,” ani Chua.