(Sa pagtaya ng World Bank) PH ECONOMY LALAGO NG 5.8% SA 2024

PINANATILI ng multilateral lender World Bank ang economic growth projection nito para sa Pilipinas ngayong taon sa gitna ng inaasahang pagbagal ng inflation na susuporta sa domestic demand.

Sa June 2024 edition ng  Philippines Economic Update report nito, tinataya ng World Bank na ang ekonomiya ng bansa, na sinusukat ng gross domestic product (GDP), ay lalago ng 5.8% sa 2024 — katulad sa growth projections nito sa East Asia and the Pacific Economic Update na inilabas noong Abril.

Para sa 2025 at 2026, pinanatili rin ng multilateral lender ang pagtaya nito na 5.9% growth.

Ang pagtaya ng World Bank para sa  2024 ay mas mabilis kumpara sa 5.5% GDP growth na inaasahan noong 2023 at mas mababa sa  downwardly revised target ng pamahalaan na 6%-7% economic growth.

Sa isang press briefing sa Taguig City, sinabi ni World Bank senior economist Ralph Van Doorn na ang growth forecast ng bangko ay sa gitna ng inaasahang pagbagal ng inflation, na siya namang magpapalakas sa household purchasing power, na susuporta sa domestic consumption.

Ayon kay Van Doorn, ang inflation ay inaasahang babagal sa 2% hanggang 4% ceiling ng pamahalaan.

.Partikular na tinataya ng World Bank na maitatala ang inflation sa Pilipinas sa 3.6% ngayong taon, bumaba mula sa  6% inflation rate noong 2023.

“To manage inflation, the continued implementation of non-monetary strategies is essential, including efforts to optimize supply and demand management and to secure timely and adequate imports of staple food items,” sabi ni Van Doorn.

Bukod sa pagbaba ng inflation, ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa medium term ay susuportahan ng tuloy-tuloy na public investment na inaasahang mananatili na mas mataas sa 5%.

Inaasahan din ng World Bank ang paglakas ng export demand, sa pangunguna ng services exports tulad ng tourism at IT-BPO, gayundin ng goods trade na susuportahan ng bumubuting global growth.

Bukod dito, tinataya rin ang pagtaas ng import growth na susuporta sa household consumption at investments.

“However, extreme weather and climate change coupled with global geopolitical tensions, tighter-than-expected financial conditions, and sharper slowdown in China might pose risks to the growth outlook,” sabi ni Van Doorn.

Aniya, ang nagtagal na El Niño at ang inaasahang La Niña ay maaaring makaapekto sa food supply at mag-udyok ng pagtaas sa inflation.

“The government needs to continue providing social assistance to vulnerable groups who are disproportionately affected by high food inflation,” ani Van Doorn.