SA PANAHON NG KRISIS, ANG KAILANGAN NATIN AY MAGANDANG BALITA

Magkape Muna Tayo Ulit

HINDI biro ang nararanansan nating hirap ngayon dulot ng pandemyang sakit na COVID-19. Malaki ang pinagbago nito sa mga pang araw-araw na buhay natin. Ang mas nakalulungkot pa ay ang mga nabiktima at nasawi dahil CO­VID-19. Nagbigay ito ng hinagpis at kalungkutan sa mga minamahal nila sa buhay. Marami na tayong nabalitaan na mga kilalang personalidad nitong mga nakaraan araw na pumanaw dahil sa nasabing sakit.

Sa kalagitnaan nitong krisis, kaliwa’t kanan ang nababalitaan nating batikos at masamang mga balita mula sa iba’t ibang sektor laban sa ating gobyerno. Mali raw ang pamamaraan ng paghawak nila sa nasabing krisis.

Subali’t kung ating iisipin, nakakatulong ba ang lahat ng mga masasamang balita at batikos na nangyayari sa ating bansa ngayon? Ayon nga sa mga eksperto sa feng shui, ang masasamang balita ay mas naghihikayat ng negatibong enerhiya sa atin. Imbes na makatulong na makaahon tayo sa ating suliranin, ay mas nadidiin tayo sa lugmok.

Hindi ba’t mas maganda kapag tayo ay nakakarinig ng mga positibong balita? Mas nakakatulong ito upang itaas ang positibong ener­hiya para kayanin natin ang kasalukuyang krisis na ating nararanasan.

Tulad sa isyu ng kor­yente. Masamang balita ang tumambad sa atin dulot ng ECQ noong buwan ng Marso hanggang Mayo. Nagkanda patong-patong ang bill natin sa koryente kaya naman nakaranas tayo ng tinatawag na ‘bill shock’. Marami sa atin ang hindi matanggap ang mataas na halagang babayaran sa kinonsumong koryente.

Malaking hamon ito sa Meralco. Sa pamumuno ng bago nilang presidente na si Atty. Ray Espinosa, hinarap nila ang reklamo at batikos ng kanilang custo­mers kasama na ang ilang mga mambabatas. Hindi sila tumiklop sa hamon na pagpapaliwanag kung bakit tumaas ang singil ng koryente. Taas noo nilang pinapaliwanag ito dahil alam nila na mali­nis at wasto ang kanilang kompyutasyon ng ating mga electric bill.

Subali’t hindi talaga natin maiaalis sa ilang sektor na talagang pilit na binabatikos ang Meralco tulad ng mga militanteng grupo at mga ibang malalaking negosyante na may interes sa Me­ralco na dating pag-aari ng pamilya Lopez.

Kamakailan ay nag-anunsiyo ang Meralco na muling pagbaba ng pres­yo ng koryente. Limang buwan na palang patuloy ang pagbaba ng presyo ng koryente, kasama rin ang tinatawag na generation charge. Ito ay dahil sa polisiyang ipinatupad ng DoE na magkaroon ng competitive selection process o CSP upang masiguro na ang pinaka mababang presyo ng kor­yente ang bibilihin ng ating mga distribution utilities (DUs) ang electric cooperatives (EC).

Sa katunayan, pinuri pa nga ni House Speaker Alan Cayetano ang Me­ralco sa kaganapan na ito. Sinabi ni Cayetano na nagpapasalamat siya at pinakinggan ng Meralco ang panukala ng Kong­reso na maghanap ng mga pamamaraan upang maibsan ang paghihirap ng ating mga mamayan.

Mula kasi sa P8.6966 per kilowatt-hour (kWh) nitong buwan ng Hulyo, bumaba ito sa P0.2055 per kWh sa buwan ng Agosto. Kaya naman malaki ang matitipid ng mga customer ng Meralco sa susunod na buwan mula P41 hanggang P103 depende sa konsumo nila. O hindi ba magandang balita yan?

Comments are closed.