SA PANAHON NG PAGTITIPID

HINDI lingid sa kaalaman ng lahat na nagtataasan ang presyo ng pangunahing bilihin sa panahong ito.

Kasabay na rin nito ang pagtataas ng gasolina, pamasahe, at mga serbisyo. Para sa mga pamilyang pinagkakasya ang maliit na badyet para sa pangangailangan ng buong pamilya, nagiging mas mahirap nga ang buhay ngayong mga panahong ito.

Kailangang maging maingat sa pag-gasta ng pera at maging disiplinado sa pagbabadyet. Una, isiping mabuti kung ang pagkakagastusan ay kailangan talaga o nais lamang (needs vs. wants). Ikalawa, piliting masunod ang badyet ng pamilya upang magkasya ang kita para sa mga pangangailangan. Upang makatipid, puwedeng iwasan muna ang mamahaling pagkain o pag-order sa mga restawran. Sa halip ay magpaka-healthy sa pamamagitan ng pagluluto ng mga putaheng gulay—masarap na ay mura pa. Ayon sa ilang mga nanay, nakakatipid din sila kung isang beses lamang magluluto sa isang araw; maaaring ipainit ang ulam para sa hapunan. Ang ginagawa ng ilan ay nagtatanim ng mga gulay sa paso—kung may espasyo, maaaring magtanim ng okra, kamatis, talong, ampalaya, kalamansi, sili, malunggay, kangkong, at iba pang gulay na madaling itanim sa ating bakuran.

Hindi rin porket mahirap ang buhay ay kalilimutan na natin ang pag-iipon. Kung tutuusin, mas mahalaga nga na makapag-ipon sa mga panahong bagsak ang ekonomiya upang mayroon tayong madudukot kung magkaroon man ng emergency sa pamilya. Ilan sa mga abot-kamay na investment products sa ngayon ay ang MP2 at GInvest (GCash). Kahit paunti-unti lamang na hulog ay maiipon din ang kita at maaaring makatulong ito sa oras na tayo ay mangaila­ngan.