GOOD day, mga kapasada! Unang hirit ng isyung ito ay ang maligayang bati sa inyong lahat. Stay safe at ingat po, huwag kalilimutang sundin by heart ang kahingian ng pandemic protocols. Kalimutan muna natin, mga kapasada, ang dinaranas nating paghihirap sa buhay na dulot ng COVID-19 pandemic.
Wala itong mabuting idudulot sa ating buhay kundi ang hinagpis at lunggatiing makaahon sa kumunoy ng kahirapang lumulunod sa ating pamilya sa paghihikahos. Ika nga, sa pagdaan ng panahon, unti-unti na rin nating nararanasan ang pagbabago sa naghihikahos na mamamayan sa tulong ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan maging ng pribadong sektor na nag-aalay sa atin ng kaunting tulong para may maihain tayo sa hapag kainan.
Para sa mga drayber na dumaranas ng malaking paghihirap, kasukdulan ang mamalimos sa mga lansangan dahil sa pandemya na naglimita o nagpahinto sa paggamit ng mga sasakyang pinagkukunan ng ikabubuhay dahil sa pandemya. Ngunit sa awa ng Panginoon, unti-unti namang pinayagan ng Land Transportation Office (LTO) na magkaroon ng biyahe ang pangmadlang sasakyan sa limitadong paraan.
Sa ganitong kaganapan, humanap ang mga kapasada ng ibang pagkakakitaan para sa kanilang ikabubuhay. Ano ang paraan? Ito ay ang paggamit ng motorsiklo na ngayon ay masasabing dominante sa lansangan.
MOTORSIKLO PINAKAPOPULAR SA REHIYON
Ayon sa Land Transportation Office, hindi maitatanggi na ang motorsiklo at hindi ang jeepney ang ‘King of the Road’ samantalang ang mga jeepney na nasa ilalim ng public utlity vehicle category ay umaabot lamang sa halos 1.6 milyon nitong mga taong nagsilipas bago pa man manalasa sa bansa angnakahahawa at nakamamatay na coronavirus disease.
Ilang taon na ang nakalilipas, inihayag ni Dr. Romulo Virola, secretary general ng National Statistical Coordination Board (NSCB), na sa taong 2004 sa mga nakarehistrong sasakyan, ang MC ay nakapagpatala ng average share na 41.8 percent. Matagal na ang estadistikang iniulat ni Dr. Virola at kung ikukumpara natin sa kasalukuyan, aba, halos hindi mo makukuwenta ang laki ng bahagdan ng motorcycle increase kung ang pagbabasehan ay ang populasyon ng pampublikong sasakyan kontra mga naglipanang motorsiklo sa mga lansangan. Eh, bakit nga ba naging popular itong motorsiklo? Ayon sa mga analyst, ang motorsiklo ay affordable sa karaniwang mamamayan. Bukod sa matipid sa gasolina ang gamit sa pang-araw-araw na pangangailangan, madali itong gamitin sa ano mang kaparaanan, at higit sa lahat, ang pagbibigay ng kinauukulang ahensiya ng transportasyon para ito ay magamit bilang panghanapbuhay ng karaniwang mamamayan ay nakatutulong sa mga mamamayang nasa isang kahig, isang tukang pamumuhay.
Sa pagbibigay ng mga katuwang tulad ng Motorcycle Angkas, pagbibigay pahintulot para ito’y magamit tulad ng sa Grab operation, na sa ngayon ay masasaklaw tanaw sa mga pangunahing lansangan sa rehiyon ang paghahatid ng mga inorder na pagkain at mga kauring bagay sa mga restoran, botika, mga pahatirang institusyon ng mga ipinadadalang bagay sa madalian at murang paraan ay siyang pinakamalakas na pinagkakakitaan ng mga tinamaan ng kasalatan dulot ng pandemya.
KALIGTASAN NG MC RIDERS NAKATAYA
Samantala, sa kabila ng napakaraming naglisaw na bilang ng motorsikolo sa lansangan, nakataya naman ang kaligtasan ng MC riders sa paggamit nito bilang itinuturing na hari ng lansangan. Kaugnay nito, nagbabala ang World Health Organization (WHO) na ang “deaths and injuries from motorcycle accidents have become a public health epidemic in many countries in Asia,” kabilang ang Filipinas.
Ayon sa WHO, noong Abril 2007, napaulat na ang mga batang motorbike rider ay nakapagtala ng significant percentage of injuries and fatalities among road users in the region. Napag-alaman na ang karaniwang sanhi ng traffic accidents na sangkot ang MC rider ay ang hindi paggamit ng helmet, risk-taking behavior, at pagmamaneho ng lasing o kaya ay nakainom ng gamot na nakapagpapaantok.
PAYONG PANGKALIGTASAN NG MC RIDERS
Dahil sa lumalalang aksidente na sangkot ang mga motorsiklo sa mga pangunahing lansangan, minabuti ng iba’t ibang national at local government agencies, ng mga mambabatas, civic groups, gayundin ng mga motorbike riders association ang pagtataguyod ng road safety sa pagsisikap na mabawasan kung hindi man totohanang malipol ang kapahamakan sa lansangan ng mga MC rider. Kabilang sa mga isinagawang hakbang para sa kaligtasan ng mga MC rider ay ang various laws, ordinances at studies and road safety training program, na ang tanging layunin ay to keep motorcycle riders alive.
Magugunita na ang MANDATORY Helmet Act or Republic Act 10054 na nilagdaan noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo ay ipinatupad na simula pa noong 2007.
Itinatadhana sa naturang batas na ang lahat ng motorcycle riders sa buong bansa, kasama ang drivers at kaangkas ay kailangang magsuot ng standard protective helmet sa lahat ng panahong sila ay nagmamaneho ng motorsiklo, malayo man o malapit ang kanilang patutunguhan anumang oras at sa anumang uri ng lansangan at highway. Ang lalabag sa naturang batas ay pagmumultahin ng mula P1,500 hanggang P10,000.
Gayundin, ang mandatory Helmet Act ay nag-aatas sa Department of trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Bureau of Product Standards (BPS) na magsagawa ng mandatory testing sa lahat ng manufactured and imported motorcycle helmets sa bansa.
Ayon naman sa LTO, ang mga violator ay pagmumultahin ng P1,500 at kailangan silang sumailalim sa seminar on traffic safety management.
PANUKALANG BATAS PARA SA LIBRENG PARKING, CODING EXEMPTION SA SENIOR CITIZENS INIHAIN SA KAMARA
Bilang pagkalinga sa mga senior citizen at mga taong may kapansanan, isang panukalang batas ang inihain sa Kamara. Sa pamamagitan ng House Bill (HB) 8599 o ang Free Parking and Coding Exemption for Senior Citizen Act na inihain ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, chairman ng House Committee on Social Services, umaasa siya na mapagkakalooban ang mga senior citizen ng isang payak na pangkabuhayang benepisyo bilang pagdakila sa kanilang naibahagi sa pagpapaunlad ng bansa. Ayon kay Congressman Vargas, napansin niya na ang kanyang panukalang batas na inihain sa Mababang Kpulungan ay inihain na noong 17th Congress.
Aniya, ang panawagan para sa karagdagang benepisyo para sa mga Filipino senior citizen ay patuloy na hindi nabibigyan ng pagpapahalaga gaya ng nakasaad sa expalantory note ng kanyang panukalang batas. Sa naturang panukalang batas ay itinatakda ang libreng pagparada (parking) sa lahat ng mga establisimiyento para sa sasakyang nakarehistro sa kanilang pangalan.
Samantala, para naman sa number coding exemption, ito ay magbibigay kaluwagang libre sa huli sa mga sasakyang minamaneho ng senior citizen o bilang pasahero. Binigyang-diin pa ni Vargas sa kanyang panukalang batas na kailangang pagtuunan ng pamahalaan ang pagsisikap na bigyan na atensiyon ang pangangalaga sa vulnerable sector tulad ng mga matatanda mulasa nakahahawang coronavirus disease-19 (COVID 19), at kailangan ding ihanda ang proteksyon ng mga ito para sa post- pandemic recovery where greater mobility should be encouraged. Idinagdag pa ni Vargas na sa ngayon, dapat ang number one priority ay ang kalusugan ng mamamayang Filipino, lalo na ang ating mga mahal na senior citizen.
Gayon pa man, naniniwala si Vargas na sa muling paghahain ng naturang panukalang batas sa Mababang Kapulungan ay ang tinatanaw natin dito ay ang ating post-pandemic recovery Binigyang-diin ni Vargas na hindi matatawaran ang mga sakripisyo ng ating mga lolo at lola upang mabigyan tayo ng magandang buhay. Bilang ganti, ito na ang panahon upang tayong mga anak at mga apo ang mag-alaga at magbigay pagmamahal bilang ganti sa mgapagpapalang ipinagkaloob nila sa atin.
LAGING TATANDAAN: UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. HAPPY MOTORING!
686486 723301bless you with regard towards the specific blog post ive truly been seeking with regard to this kind of advice on the net for sum time these days hence with thanks 838489