PLANO ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal muna ang “mall sales” at suspensiyon ng klase sa ilang lugar sa Kalakhang Maynila para maiwasan ang matinding trapik sa buwan ng Southeast Asian Games.
“Wala po sanang mall sales sa EDSA and all other SEA Games routes, billeting hotels man po ito o sports venues. Pangalawa, nag-recommend po ang MMDA ng class holiday from December 2 to 6 sa 7 paaralan,” ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago.
Hindi naman binanggit ni Pialago ang pitong paaralan na malapit sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila.
Nabatid na nakabinbin pa sa Malacañang ang approval ng naturang rekomindasyon.
Ang planong hakbangin ng MMDA ay upang maiwasan ang mararanasang mabigat na daloy ng trapiko sa ilang lugar ng Metro Manila habang idinaraos sa bansa ang Southeast Asian Games. MARIVIC FERNANDEZ