NANATILING nasa heightened alert ang militar at pulisya sa Maguindanao dahil maaaring magsagawa ng sorpresang pananalakay ng mga teroristang grupo kasunod ng pagkamatay ng kanilang mataas na pinuno nitong nakalipas na Linggo sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon sa militar, hindi umano dapat na magpakampante kahit pa sabihing humihina na ang puwersa ng Dawlah Islamiyah terror group at kaalyadong grupo nito na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) dahil may kakayahan pa rin ang mga ito na maghasik ng gulo habang patuloy ang kanilang pangangalap ng mga bagong myembro sa Mindanao.
Una rito, napatay sa law enforcement operation ng Joint Task Force Central at pulisya sa Sitio Pinaring, Barangay Damablac, Talayan,Maguindanao ang top terrorist leader ng Dawlah Islamiyah na si Salahuddin Hassan alyas Kumander Orak at ang asawang si Jehana Minbida, finance officer ng DI.
Maliban sa posibleng paglulunsad ng retaliatory attack ng DI at BIFF ay nakaalerto rin ang militar at pulisya sa posibleng paghihiganti ng New People’s Army (NPA) sa pagkapatay ni George Madlos alyas Ka Oris.
Kasalukuyang nakataas ang antas ng alerto ng national security forces at nagdagdag pa ng puwersa ang mga awtoridad sa mga lugar na posibleng target nang pambobomba at pananalakay ng mga terorista. VERLIN RUIZ