(Sa panawagang resignation) VACC KINONTRA NI AZURIN

KINONTRA ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang panawagan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na magbitiw na ito kasunod ng mga ulat na kabi-kabilang krimen.

Ani Azurin, ang lahat ay dapat bigyan ng pagkakataon na magbago sa buhay at kasama roon ang nakagawa ng krimen.

Tinukoy nito na nasa bibliya ang huwag pumatay kaya bilang awtoridad, hindi maaaring sadyain ang pagpatay at kaya nga may korte upang malinawan ang bigat ng kasalanan at hindi depensahan ang kasalanan.

Ayon sa VACC, kontra sila sa mga naunang pahayag ni Azurin na huwag takutin ang kriminal at dapat patawan ng pangil ang mga kriminal lalo na ang mga suspek sa rape slay at kidnapping na sinagot naman ni Azurin.

“Siguro magkakaiba lang po siguro kami ng pananaw ano. Sabi nga natin is everybody deserves a second chance. Nasa Bible nga yan eh,” ayon pa kay Azurin.

Umapela rin si Azurin sa VACC na alamin muna ang ginagawa ng PNP sa pagharap sa mga kaso at kung paano nireresolba ang mga ito bago mag-akusa.

Umaasa rin ang PNP chief na mapapahalagahan ang mga nilatag nilang measure para mapanatili ang peace and order situation.

Ipinaalala rin ni Azurin na sa nakalipas na marami nang naparusahan at marami nang napatay pero hindi ito naging solusyon.

“Siguro sinasabi ko nga bakit hindi nila muna tingnan kung paano namin ihandle ang peace and order situation sa ngayon because sa totoo lang in the past even when

I was with PAOCTF, sa dami ng namatay, sa dami na ng pinatay, bakit meron pa rin krimen. Yun ba ay solusyon hindi ba?” ani Azurin.

Idiniin pa ni Azurin na mayroon pang ibang paraan para sa kaayusan at kumbisido sila na ginagawa nila ang nararapat. EUNICE CELARIO