(Sa pangangailangan ng 5 anak) MAG-ASAWANG SUMUGAL SA PAGTITINDA NG ISDA

HALOS labing dalawang taon ng nakikipaglaban sa hamon ng buhay bilang mag-iisda ang mag-asawa matiyak lamang na kanilang matugunan ang pangangailangan ng kanilang limang anak.

Batay sa kuwento ni Sheryl Siobal, 34-anyos na hindi pare-pareho ang takbo ng hanapbuhay nilang mag-asawa na minsan ay lugi at minsan naman ay malaki ang kita.

Ayon kay Sheryl, tuwing gabi ay kailangan na nilang kumilos para makapamili ng mga panindang isda dahil sa pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi ay bukas na ang kanilang tindahan sa Pasig Palengke bilang paghahanda sa pagdating ng mga mamimili.

At magsasara sila bago naman mag-alas dose ng tanghali para makapagpahinga at mapaghandaan ang pamamalengke sa gabi at pagbibigay ng oras sa kanilang mga anak.

Ang panganay ni Sherly ay 15-anyos samantalang apat na buwan pa lang ang kanyang bunso kung kaya’t sinisiguro niyang bago umalis ng bahay para maghanapbuhay ay may nag-aasikaso at tumitingin sa kanilang limang anak hanggang sa kanilang pag-uwi sa tanghali.

Kuwento ni Sherly, umaabot sa P40K hanggang P50K ang puhunan kada araw sa pamimili ng isda na ibebenta kung saan siya mismo ang namimili upang makita niya ang kalidad ng isang isda kung talagang bang sariwa o hindi at kung mahal o mura.

Aminado si Sheryl na noong walang pandemya ay napakaganda ang kanilang kinikita sa negosyo kahit pa mayroon pang binabayarang puwesto, tubig at kuryente.

Hindi lamang iyon, ani Sheryl dahil nakapagpapasuweldo pa sila ng kargador at mga tauhan na katuwang sa kanilang ha­napbuhay.

Subalit, nang duma­ting ang pandemya ay naging malaki ang hamon sa buhay at katatagan ng loob sa hanapbuhay ni Sheryl at asawa nito.

Tinukoy ni Sheryl na mas maraming lugi o abono sa panahon ng pandemya pero hindi sila nawawalan ng pag-asa bagkus ay patuloy na nagiging matatag para sa kanilang mga anak.

Ani Sherly, hindi sila nawalan ng tiwala at pananampalataya sa Panginoon na kaya din malalampasan ang lahat ng pagsubok sa buhay.

Ang mahalaga sa kanilang mag-asawa ay matugunan  ang pang-araw  araw na pangangailangan at mabayaran ang lahat ng obligasyon ay kuntento na rin sila at kung mayroong sobrang kita ay iniipon na ito.

Inamin din ni Sherly na pagkakautang din sila na normal naman lalo na’t kung may negosyo ka na matumal ang benta na kung saan ang dating isang araw lang ubos na ang paninda, ngayon ay umaabot ng dalawang araw bago pa ito maubos.

Ngunit wala silang choice kundi ang magtiyaga na mabenta at maubos ang paninda para hindi lamang kumita bagkus ay mabalik din ang puhunan.

Malaki naman ang pasasalamat ni Sheryl at ng kanyang asawa sa Panginoon Diyos dahil kahit kailan ay hindi sila nakalimutang gabayan, protektahan at pangalagaan sa lahat ng bagay lalo na sa kanilang negosyo para matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Umaasa naman si Sheryl sa huli ay magiging magaan ang kanilang buhay at mapagtatapos ng pag-aaral ang kanyang limang anak.

Bukod dito, umaasa si Sheryl na hindi lamang ang kaniyang pamilya ang maiaahon para sa magandang bukas kundi makatulong sa kanyang kapwa na minsan kapos o kinukulang sa kanilang pangangailangan sa buhay.

Para kay Sheryl hindi nila kailangan ang malaki o sobra-sobrang tubo ang mahalaga sa kanila ay kumita at maubos ang kanilang paninda upang matugunan ang panga­ngailangan ng pamilya, mapasuweldo ang kanilang mga tauhan at mabayaran ang lahat ng obligasyon mula sa palengke, puwesto at bahay. CRISPIN RIZAL