CAVITE-MULI na namang nagkampiyon sa pangatlong pagkakataon ang Holy Rosary Youth Band sa katatapos na kompetisyon sa Sambalilo Festival na ginanap sa Cavinti, Laguna.
Pinangunahan ng apat na lider ng banda na sina Brylle Mariano, Joseph Santos, Ivan Sinsin at Key Mark Mongis ang naturang kompetisyon na nilahukan ng mahigit 100 miyembro nito.
Ang Holy Rosary Youth Band ay itinatag noong 2014 na pagmamay-ari ng 76 anyos na si Lola Piching Santos na siya ring nananahi ng damit ng miyembro ng banda.
“Naging parte na talaga ng aming pang-araw-araw na buhay ang musika. Sa banda, marami kang matutunan. Pakikipagkapwa, pakikisama at disiplina. Parati kong sinasabi sa mga myembro namin na kapag natuto ka ng musika, may isang bagay ka ng nalalaman na hindi alam ng karamihan”, paglalahad ni Mariano.
“Hindi lahat ay nakakabasa ng nota at nakakaintindi ng musika. Hindi na yan makukuha ninuman kapag iyan ay kanila ng natutunan”, dagdag pa ni Mariano.
Lubos namang ikinagalak ni Mayor Voltaire Ricafrente, Vice-Mayor Bamm Gonzales, at buong Sangguniang-Bayan ang pagkakapanalo ng banda na nagbigay karangalan ng bayan ng Rosario.
Ang pagdiriwang ng Sambalilo ay ginaganap taun-taon sa Cavinti, Laguna bilang pagbibigay halaga sa kanilang masaganang ani ng pandan na kung saan ay hinahabi ito at ginagawang sambalilo o sombrero.
Itinuturing ng lokal na pamahalaan ang Holy Rosary Youth Band bilang “Pride of Rosario”.
Samantala, hinihikayat naman ng pamunuan ng Holy Rosary Youth Band ang sinumang kabataan na maging bahagi ng pamilyang ito, bukas ang pintuan sa mga nagnanais matuto at sama-samang magbigay ng karangalan sa bayan. SID SAMANIEGO