(Sa panghihimasok sa Pinas, Taiwan) STYLE NG RUSSIA GINAYA NG CHINA

INAKUSAHAN ng isang makabansang grupo ang China na ginagaya ang ginagawa Russia sa panghihimasok nito sa Pilipinas at Taiwan.

Nauna nang sinakop ng Russia ang Ukraine noong Pebrero na nagdulot ng pagkamatay ng libu-libong tao, pagkasira ng mga gusali at importanteng pasilidad.

“Ang China at Russia ay matalik na magkakampi. Ginagamit ng China ang ginawa ng Russia upang manghimasok sa Pilipinas at lantarang pananakot sa Taiwan,” ayon kay Amber Quiban, ang co-convenor ng grupong Atin Ang Pinas.

“Kung ang Russia ay naglalagay ng kanila mga tao sa Ukraine upang simulan ang kaguluhan at pagtawag sa pagtiwalag, ang China naman ay nagtatayo ng mga isla sa West Philippine Sea upang tangkaing gawing ‘lehitimo’ ang pag-angkin nito sa teritoryo na atin ng nakamit sa pamamagitan ng desisyon ng The Hague,” anito.

Ito ang naging reaksyo ni Quiban matapos na ipatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ambassador ng China sa Pilipinas ukol sa pagpasok ng isang barko ng People’s Liberation Army (PLA) Navy sa katubigan na sakop ng Pilipinas mula Enero 29 hanggang Pebrero 1.

Agad naman pinuri ng Stratbase ADR Institute for Strategic and International Studies (ADRi), isang international research organization na nag-aaral tungkol sa mga isyung pulitikal at pang-ekonomiya sa Pilipinas at Indo-Pacific region ang ginawang aksiyon ng DFA.

Ayon sa ADRi, tama ang ginawa ng DFA na ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryo nito nang ipatawag ng ahensiya si Chinese Ambassador Huang Xilian upang magpaliwanag kung bakit namataan ang barko ng China sa may Cuyo Group of Islands sa Palawan at Apo Island sa Mindoro.

“Ang pagpapatawag sa Chinese ambassador ay isang malakas na aksiyon na dapat ginagawa ng Pilipinas upang patuloy na ipaglaban ang maritime rights at teritoryo natin,” ayon kay Dindo Manhit, pangulo ng Stratbase ADRi. EVELYN GARCIA