(Sa pangmamaliit sa kanilang ahensiya) PULIS INIREKLAMO NG DIRECTOR NG BFP

HINDI nagustuhan ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ginawa ng isang pulis na pangmamaliit sa kanilang ahensya.

Ito ay matapos kumalat sa Social Media Platform na Tiktok ang video ng isang pulis na may user name na Rexter Dan at sinabihang “RELAX” ang mga tauhan ng BFP.

Sa ipinadalang letter of complaint ni Fire Director Louie Puracan kay PNP Officer in Charge Lt Gen Vicente Danao, Jr. , nakasaad na masakit para sa kanila na pagsabihang relax sa kabila ng sakripisyo ng kanilang mga tauhan tuwing may sunog.

Aniya, lalo na at galing pa ito sa isang tauhan ng PNP.

Hindi rin umano nagpakita ng pagsisisi ang pulis dahil sa comment section ay hinahamon pa ang lahat na may negatibong komento sa kaniya.

Natukoy ang nasabing pulis na si Corporal Rexter Dan Tubu Mana­loto ng Tactical Motorcycle Riding Unit o TMRU ng Angeles City, Pampanga.

Hiling ni Puracan kay Danao ay disiplinahin si Manaloto dahil ang kaniyang ginawa ay isang uri ng Misconduct at Conduct Unbecoming of a Public Officer. REA SARMIENTO