“There should be no preconditions whatsoever, as these can derail future discussions.”
Ito ang naging tugon at paalala ni Sec. Carlito Galvez Jr. ng Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation kasunod ng kahilingan ng ilang makakaliwang organisasyon na palayain muna ang mga CPP-NDF consultans at maging ang mga political prisoners.
Agad na nilinaw ni Sec. Galvez na hindi kailangan na dapat na magtakda ng mga precondition para lamang bumalik sa peace table.
Kasunod nito ang panawagan sa mga tagasuporta ng Communist Party of the Philippines na huwag magtakda ng mga kahilingan habang naghahanda ang gobyerno at National Democratic Front of the Philippines para sa peace accord.
Walang tinukoy na grupo si Galvez, subalit ang grupo ng Karapatan at militanteng Bagong Alyansang Makabayan ay nanawagan na palayain ang mga NDFP peace consultants at mga political prisoner bilang paghahanda sa peace talks.
Nilinaw pa ng peace adviser na kinikilala nila ang mga mungkahi ng mga grupong sumusuporta sa CPP-NDFP, subalit hindi umano ito ang tamang panahon.
Dagdag pa ng kalihim, base sa mga naging karanasan, ang pagtatakda ng mga preconditions ay nagdudulot ng mabigat na pasanin sa magkabilang panig habang sinusubukan nila na magkasundo sa saklaw at balangkas ng peace talks.
Nabatid na ang peace negotiations, na napagkasunduan sa Oslo, ay produkto ng dalawang taong informal dialogues at talakayan sa pagitan ng gobyerno at mga kasapi ng NDFP, na siyang kumakatawan sa CPP at armadong galamay nitong New Peoples Army sa pag-uusap.
Tanggap ng CPP ang pagsisimula ng panibagong pag-uusap subalit kailangan umanong kilalanin din ng gobyerno ang GPH-NDFP Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o (JASIG) na umano’y obligasyon ng pamahalaan sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for
Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) and the GPH-NDFP Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
VERLIN RUIZ