IPINAPANUKALA ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagkakaroon ng libreng sine at pagdaraos ng film festival tuwing buwan ng Setyembre bilang bahagi ng kanyang isinusulong na Buwan ng Pelikulang Pilipino para mapasigla ang lokal na industriya ng pelikula.
“Sa espesyal na pagdiriwang na ito, na tatawaging Buwan ng Pelikulang Pilipino, hangad natin na mapalago ang lokal na industriya at mapalawak ang isang bahagi ng creative economy at maitaas ang pamantayan at kalidad ng ng mga pelikulang Pilipino kapantay ng pinakamahusay sa mundo,” ani Estrada sa inihaing Senate Bill No. 2250.
Sinabi ng senador na isa ring aktor at producer ng pelikula, ang kanyang panukalang Buwan ng Pelikulang Pilipino Act ay naglalayon din na mapanatili ang kultura at legasiya ng mga lokal na pelikula at ipamalas ang Filipino talents sa ibang bansa.
Iminungkahi ni Estrada na iatas sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang pagdaraos ng film festival na tatawaging “Pista ng Pelikulang Pilipino” para sa isang linggong eksklusibong pagpapalabas sa lahat ng regular na sinehan at streaming websites o platforms na nasa ilalim ng pangangasiwa ng nasabing ahensiya.
Magkakaroon din ng libreng pagpapalabas ng mga klasikong pelikulang Pilipino at mga internationally acclaimed short o feature-length movies sa mga teatro at iba pang katulad na venue na nasa pamamahala ng gobyerno kabilang ang FDCP, Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Sa nasabing panukala, inaatasan din ang FDCP na magsagawa ng mga aktibidad sa promosyon ng pelikula at edukasyon, pati na ang pagbibigay ng training na may kinalaman sa sektor ng pelikula gaya ng directing, scriptwriting, editing, musical scoring, atbp.
Iminungkahi pa ni Estrada na ideklara ang buwan ng Setyembre bilang Buwan ng Industriya ng Pelikulang Pilipino o Philippine Film Industry Month bilang pagkilala at pagpapahalaga sa film industry na sumasalamin sa mga panlipunang realidad at pagpapalaganap ng pagkakakilanlan ng bansa. VICKY CERVALES