MALAKI ang mawawala sa ekonomiya ng bansa kapag sinuspinde ang koleksiyon ng excise taxes sa mga produktong petrolyo, ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.
Ang pahayag ay ginawa ni Diokno kasunod ng rekomendasyon ni House Speaker Martin Romualdez kay Presidente Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin ang pangongolekta ng fuel excise tax sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Nagbabala si Diokno na bilyon-bilyong piso ang mawawala sa kita ng gobyerno kapag sinuspinde nito ang VAT at excise tax sa langis.
“Unang-una ‘pag tinuloy mo ‘yan, ang mawawala sa gobyerno — sabihin ko na ang numero — P72.6 billion for the 4th quarter lang ‘yan, last quarter ng 2023,” pahayag ni Diokno sa TeleRadyo Serbisyo.
“Kung kabuuan naman — sa whole year of 2024 — aabutin ng P280.5 billion ang mawawala sa gobyerno.”
Ayon kay Diokno, magreresulta ito sa pagkawala ng pondo para sa mga programa ng pamahalaan, kabilang ang social safety nets.
Dagdag pa ni Diokno, ang pagsuspinde sa pangongolekta ng fuel excise tax ay magkakaroon ng negatibong epekto sa utang, credit rating, at mga programa ng pamahalaan.
Sinabi pa ng Finance chief na nang sumirit ang presyo ng langis noong nakaraang taon dahil sa Russia-Ukraine war ay hindi sinuspinde ng gobyerno ang pangongolekta ng buwis dahil sa magiging epekto nito sa ekonomiya.
Sa halip ay nagkaloob, aniya, ang pamahalaan ng ayuda tulad ng fuel subsidies sa mga magsasaka at driver.