(Sa panukalang gawing legal ang motorcycles-for-hire) KALIGTASAN NG RIDER, PASAHERO TIYAKIN

MOTORCYCLE HAILING SERVICES

KUNG magkakaroon ng batas na maglelegalisa at magkokontrol sa motorcycle taxis sa bansa, makasisiguro umanong ligtas ang mga rider at pasahero, bukod sa mananatiling mababa ang bilang ng mga naaaksidente.

Sa joint hearing ng Senate Committees on Public Services at Local Government kamakailan, itinuon ang diskusyon sa training at skills know-how ng mga rider sa paggamit ng motorsiklo para masigurong ligtas sila sa mga aksidente sa lansangan.

“We need to legalize to reflect the reality on the ground but we also need the highest safety standards to make this a true mobility alternative,” sabi ni Senadora Grace Poe, chair ng Senate committee on public services.

“The established vulnerability of motorcycles as a mode of transportation calls for the government to step in,” dagdag pa niya.

Sa naturang pagdinig, sinuring mabuti ang Angkas, JoyRide at Move it, ang mga kompanyang pinayagang mag-operate sa ilalim ng tatlong taong pilot program ng Department of Transportation, tungkol sa safety training na kanilang ibinibigay sa kanilang mga drayber.

Samantala, nababahala si Senador Raffy Tulfo sa bilang mga aksidente na kinasasangkutan ng Angkas, ang market leader na humahawak ng 30,000 slots sa 45,000 sa ilalim ng pilot program, kung saan may naitalang 7,500 aksidente noong 2022 lamang.

“There are so many instances na nakatanggap ako ng mga reklamo na ‘yung pasehero ang nagpapaluwal muna dahil ang hirap kausap ang mga kompanya tulad ninyo, kaya sila na ang napipilitan magluwal ng pera,” sabi ni Tulfo.

“What I want is dapat kapag may naaksidente na rider ninyo na may pasahero, agad-agad pupunta kayo sa hospital, agad-agad babayaran ‘yung hospitalization, sagutin ninyo everything,” sabi pa ng senador.

Inatasan naman ni Poe ang mga kinatawan ng mga motorcycle tax company na magbigay ng detalye ng kanilang training na ibinibigay sa kanilang mga drayber, gayundin ang ibang mga hakbang na ginagawa para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Ayon kay Grab Senior Executive Vice President Lim Yew Heng, sa Thailand, Vietnam at Indonesia kung saan sila nag-o-operate din, gumagamit sila ng teknolohiya para ma-monitor ang ugali at driving skills ng kanilang mga drayber bukod pa sa kaligtasan at tamang pagsasanay ng mga Grab driver.

“Beyond training, we also use technology to track drivers’ safety performance and trigger more trainings,” sabi ni Lim sa pagdinig.

“We use that (app) to track drivers, so if we find drivers are driving dangerously, that would then trigger an alert,” dagdag pa niya.

Inamin naman ng Angkas at Move it na wala silang ginagamit na teknolohiya para matutukan ang kanilang mga drayber.

“We don’t have it to that level, but we do have a command center and we have marshals all over,” ayon kay Angkas CEO George Royeca.

“Sa JoyRide, meron po kaming mga marshals na umiikot sa Metro Manila, 24/7 po ‘yan. Mga grupo na hindi alam ng mga (JoyRide) bikers na inoobserbahan sila,” sabi naman ni JoyRide Vice President Rico Meneses.

-VICKY CERVALES