(Sa patuloy na banta ng ASF) PRESYO NG BABOY TUMAAS

SUMIPA ang presyo ng baboy ng hanggang P420 kada kilo sa gitna ng patuloy na banta ng mga epekto ng African swine fever (ASF) sa hog industry ng bansa.

Sa monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang presyo ng  pork kasim ay naglalaro sa P295 hanggang P370 kada kilo habang ang presyo ng liempo ay nasa P340 hanggang P420 kada kilo.

Sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So na tumaas ang  farmgate price ng baboy sa P205 mula  P198 noong nakaraang linggo, subalit sa kabila nito ay hindi, aniya, dapat umabot sa 420 ang retail price.

Ayon kay So, ang  kasim ay dapat ibenta sa hanggang P320 kada kilo habang ang liempo ay hindi dapat lumagpas sa P360 kada kilo.

“‘Yun ang bantayan ng DA kasi kung nakita naman natin, majority nasa tamang presyo naman. ‘Yung mga P420 dapat sinisita ‘yan,” aniya.

Sinisilip na ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ng DA ang bagay na ito.

Ayon kay  DA spokesperson at Assistant Secretary Arnel de Mesa, patuloy na hinaharap ng hog industry ang mga hamon, kabilang ang mga epekto ng ASF.

“‘Yung ating prevailing price pa rin naman for kasim nasa P340. ‘Yung ating liempo nasa P380. Parehas pa rin siya nitong mga nakalipas na araw. Patuloy pa rin na challenge sa atin ‘yung ASF so isa ‘yan sa pangunahing issue dahil wala pa naman tayong bakuna. And then yung feeds mataas pa rin,” aniya.