NAGBABALA ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na bababa ang produksiyon ng isda sa unang quarter ng 2023.
Ito, ayon kay PAMALAKAYA Spokesman Ronnel Arambulo, ay dahil sa patuloy na pagmahal ng mga produktong petrolyo.
Aniya, 80 porsiyento ng gastusin ng mga mangingisda ay napupunta sa krudo.
Aminado si Arambulo na marami na ring tumigil sa pangingisda at naghanap ng ibang kabuhayan dahil sa lumiliit na kita.
Sakaling numipis ang suplay ng isda, tiyak ding magmamahal ito sa mga pamilihan.
Nitong Martes, sa ikalawang sunod na linggo, ay muling tumaas ang presyo ng petrolyo — P0.80 sa kada litro ng gasolina, P2.70 sa diesel at P2.90 sa kada litro ng kerosene.
DWIZ 882