(Sa patuloy na paghina ng piso kontra dolyar) EXPORTS, OFWs, BPO TUTUKAN

PISO-DOLYAR

HINILING ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa pamahalaan na tutukan ang mga industriya na nagpapasok ng mas maraming foreign currency sa bansa.

Ang kahilingan ng kongresista ay sa gitna ng patuloy na pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.

Ayon kay Salceda, hindi siya naaalarma sa depreciation o pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar dahil para sa mga kumikita ng foreign currency tulad ng mga OFW at exporter, ang pagtaas ng dolyar ay isang magandang balita.

Kaya naman, pinakamainam, aniya, na pantapat laban sa paghina ng piso ang kumita ng mas maraming foreign currency gaya na lamang ng pagpapataas nang husto sa mga export at pagluwag ng mga alituntunin para sa mga OFW.

Hinimok din niya ang pagpapalakas sa Business Process Outsourcing (BPO) sa pamamagitan ng pagbibigay ng performance-based tax deductions.

Hinikayat din ni Salceda ang gobyerno na padaliin ang proseso sa mga OFW na nais magbalik sa abroad at luwagan ang restrictions sa mga migrant worker tulad sa mga nurse na nilalagyan ng ceiling ang maaaring magtrabaho sa ibang bansa.

– CONDE BATAC