(Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin) PERA NG GOV’T WORKERS DOBLEHIN

ITINUTULAK ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na doblehin ang halaga ng subsidiya ng mga manggagawa sa gobyerno upang mapunan ng kanilang buwanang pinagkakakitaan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na pinalala pa ng sumisirit na presyo ng langis.

“Sa pagtaas ng inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng ilang pangkaraniwang serbisyo’t produktong binibili ng mga konsyumer, hindi na makabuluhan ang halaga ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) na natatanggap ng mga manggagawa sa gobyerno,” ani Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.

“Napapanahon na rin na itaas ito sa P4,000 kada buwan para mapunan ang ilang gastusin ng mga manggagawa sa gobyerno na kadalasang tumutugon sa mga pampublikong tungkulin lalo na sa panahon na may krisis at kalamidad,” dagdag pa ng senador.

Sa kanyang Senate Bill No. 1027, iminungkahi ni Estrada ang pagbibigay ng karagdagang P2,000 sa buwanang PERA ng mga empleyado ng gobyerno at tawagin na itong Augmented Personnel Economic Relief Allowance (APERA).

Sakop sa panukalang P4,000 na buwanang APERA ang mga sundalo at uniformed personnel, gayundin ang mga civilian government employees na regular, contractual, maging ang mga may casual positions, appointive or elective man.

Hindi naman sakop ng panukala ang mga nakadestino sa ibang bansa na tumatanggap na ng overseas allowances.

Noong 1990 unang ipinagkaloob ang PERA sa lahat ng empleyado ng gobyerno na layong punan ang epekto ng pagtaas ng bilihin dulot ng Gulf War. Ang noon ay buwanang P500 na PERA ay itinaas sa P2,000 noong 2009 upang madagdagan ang kita ng mga manggagawa dahil sa pagtaas ng halaga ng pamumuhay. VICKY CERVALES