(Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo) MGA SASAKYAN SA EDSA NABAWASAN

NABAWASAN ang mga sasakyang dumaraan sa ilang kalsada sa Metro Manila, lalo sa EDSA, sa gitna ng walang prenong pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Batay sa monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), aabot na lamang sa 392,000 sasakyan ang bumagtas sa EDSA noong June 9 kumpara sa 417,000 noong May 5, 2022 at 405,000 bago magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, base sa kanilang CCTV footage ay nabawasan ang mga sasakyan sa EDSA dakong alas-8 ng umaga noong Lunes kumpara noong Mayo 5.

Aniya, sa halip na magdala ng sasakyan ay mas pinili ng mga vehicle owner na sumakay na lamang sa mga pampublikong transportasyon dahil sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“Nabawasan and I think may epekto po ‘yung pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo. ‘Yung mga may sasakyan instead na magdala pa ng mga vehicles na sarili at pribado ay sumasakay na lamang sa pampublikong transportasyon,” ayon kay MMDA Chairman Romando Artes.

Kahapon, sa ikalawang sunod na linggo, ay muling nagpatupad ng big-time oil price hike ang mga kompanya ng langis.

Ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P2.15 kada litro habang may dagdag naman na P4.30 sa presyo ng kada litro ng diesel.