(Sa patuloy na pagtugon sa COVID-19 pandemic) UTANG NG PH PUMALO NA SA P12.03-T

BTr

LUMOBO ang utang ng Pilipinas sa bagong record-high at umabot na sa P12-trillion mark sa unang buwan ng 2022 sa gitna ng patuloy na pangungutang ng pamahalaan para matugunan ang COVID-19 pandemic, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sa datos ng BTr, ang outstanding debt ng bansa hanggang noong katapusan ng Enero ay nasa P12.03 trillion, mas mataas ng 2.6% kumpara sa P11.73 trillion na naitala noong end-December 2021.

Year-on-year, ang total outstanding debt ng bansa ay tumaas ng 16.5% mula sa P10.33 trillion na naitala noong end-January 2021.

Ayon sa Treasury, ang overall borrowings ay tumaas ng P301.12 billion mula end-December sa likod ng pangungutang ng pamahalaan mula sa local at foreign lenders sa panahon ng health crisis.

Ang domestic loans, na bumubuo sa 69.6% ng total debt stock, ay nagkakahalaga ng P8.37 trillion noong end-January.

“This is primarily due to net availment of domestic financing amounting to ₱197.04 billion including the ₱300 billion provisional advances availed by the NG from the BSP for budgetary support,” paliwanag ng BTr.

Umabot naman ang external debt sa P3.66 trillion sa naturang buwan o 30.4% ng total debt stock.

“For January, the increment in external debt was attributed to the impact of Peso depreciation against the USD (US dollar) amounting to ₱11.23 billion and the net availment of external obligations amounting to ₱94.88 billion,” ayon sa BTr.