(Sa patuloy na taas-presyo sa petrolyo) TRANSPORT GROUPS NAGPASAKLOLO SA GOBYERNO

PUBLIC TRANSPORT-2

NANAWAGAN ang ilang transport groups sa gobyerno na tulungan ang kanilang sektor na tugunan ang kanilang kalagayan sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Ricardo ‘Boy’ Rebaño, marami nang mga tsuper ang naghahanap ng ibang pagkakakitaan para lamang suporatahan ang kanilang pamilya.

“Hindi pa nga nagtataas ng presyo ng petroleum products at marami na ang humihinto sa pagmamaneho at naghahanap na sila ng ibang pagkakakitaan. Hindi na talaga kumikita dahil napupunta na lang sa mga station ng gasolinahan. Hirap na hirap na po talaga sila,” sabi ni Rebano.

Aniya, hindi na nakasasabay ang mga ito sa walang humpay na taas-presyo sa produktong petrolyo dahil napupunta na lamang ang kanilang kita sa pagpapakarga ng gasolina.

Sa Martes, Hunyo 7, ay inaasahang tataas ang presyo ng diesel ng P6.30 hanggang P6.60 kads litro habang ang gasolina ay posibleng may dagdag na P2.50 hanggang P2.80 kada litro.

Inihayag naman ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda na nasa P300 na lamang kada araw ang naiuuwi ng mga tsuper mula sa 12 hanggang 18 na pamamasada.

Sinabi pa ni Rebaño na makabubuti kung tutulungan na lamang ng pamahalaan ang maliliit na operators na bumili ng modernong jeepney o e-jeepneys para hindi na sila dumepende sa petrolyo.

Matatandaang nagkaloob ng fuel subsidy ang pamahalaan para ibsan ang epekto sa public transport sector ng serye ng fuel price hike bunsod na rin ng krisis sa pagitan ng Russia at ng Ukraine.

Pero sa ngayon, nasa 180,000 mula sa 377,000 kuwalipikadong drayber at operator ng public utility vehicles (PUVs) ang nakatanggap na ng P6,500 fuel subsidy.