(Sa PDC activity ng Bulkang Mayon) MGA RESIDENTE SA 8-KM DANGER ZONE INALERTO NG PHIVOLCS

MULING hinikayat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga residenteng naninirahan sa loob ng 8-kilometer extended danger zone ng Mayon Volcano na magsipag handa sa posibleng preventive evacuation.

Ito ay kasunod ng naitalang apat na dome-collapse pyroclastic density current (PDC) bukod sa naganap na 397 rockfall events na naitala sa Mayon Volcano sa loob ng nakalipas na 24 oras .

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), hinikayat ng PHIVOLCS ang mga nakatira sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone na lumikas habang ang mga komunidad sa loob ng 7 at 8-kilometer radius ay pinaghahanda sakaling lumala ang PDC activity ng Bulkang Mayon.

Sa ulat ng Phivolcs, mula alas-6:09 Sabado ng gabi, apat na minutong dumaloy ang lava pababa ng Basud Gully na umabot sa layong tatlo hanggang apat na kilometro, ayon kay Mayon Volcano Observatory resident volcanologist Dr. Paul Alanis.

Lumikha rin ng ashfall na umabot sa Tabaco City, Albay.

Nabatid na nananatili ang bulkan sa Alert Level 3 pero mahigpit ngayong binabantayan ang mga nangyayaring pyroclastic density current.

Paliwanag ni Dr Alanis “Nagbigay lang po kami ng advise, notice na may ano nga no dumadami ‘yung earthquake tsaka nagkaroon ng mga PDC na umabot ng four kilometers ang haba so binigyan lang namin ng notice yung mga nasa seven and eight dun sa South East na mag-ready na mag-evacuate.”

Nabatid na sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit 41,517 na indibidwal o 10,652 pamilya na naninirahan sa 26 barangay ang apektado dahil sa aktibidad ng bulkang Mayon, ayon sa NDRRMC.

Sa datos ng Office of Civil Defense nasa 18,751 katao o 5,365 pamilya ang nananatili sa 28 evacuation centers sa Bicol Region, habang 1,427 katao o 408 pamilya ang naghahanap ng pansamantalang tirahan sa labas ng mga evacuation center.

Ayon sa NDRRMC, nasa P130.5 milyong halaga na ng tulong ang naibigay sa rehiyon ng Bicol.
VERLIN RUIZ