SA PDEA MAGPA-DRUG TEST

IGINIIT  ni Senate President Vicente Sotto III na dapat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) magpa-drug test para masiguradong hindi kuwestiyonable ang resulta.

“Ang pinakamaganda, dahil ito pinag-uusapan natin top two positions in the land, kailangan dito transparent. So ang pinakamaganda yung sa PDEA,” ani Sotto.

“Salamat naman at sumusunod na yung iba, kaya lang sana gan’un din ang gawin ng iba, sa PDEA sila,” dagdag ni Sotto.

Nitong linggo ay nagpa-drug test si Sotto kasama ang ka-tandem at presidential aspirant na si Sen. Panfilo Lacson sa PDEA at nagnegatibo ang mga ito.

Matapos nito, nag-anunsiyo na rin ang iba pang aspirants para sa pagkapangulo at bise-presidente na sumailalim din sila sa drug test.

“Ang ginawa namin, siniguro ko na unquestionable ‘yung sistemang ginamit namin. At ang unquestionable is pumunta ka sa PDEA. Doon mismo kasi may system kung papanong gagawin,” dagdag ni Sotto.

“Hindi puwedeng basta drug testing center o kung saang clinic lang, hindi reliable ‘yun. Una ‘yung drug testing na ginagamit, pang-shabu lang or pang-marijuana lang, ‘yun ang pinaka -common e. ‘Yun ang common drug testing kit nationwide.”