(Sa Pebrero) PASAHE SA EROPLANO BABABA

MAKAAASA ng mas murang pamasahe sa eroplano sa susunod na buwan makaraang ibaba ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge level para sa Pebrero.

Ayon sa CAB, ang passenger at  cargo fuel surcharge para sa domestic at international flights ay itinakda sa Level 5 para sa February 1–29 period, mula sa kasalukuyang Level 6.

Ina-adjust ng CAB ang fuel surcharges alinsunod sa paggalaw ng presyo ng jet fuel.

Sa ilalim ng Level 5, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay mula P151 hanggang P542 depende sa layo.

Para naman sa international passenger flights na magmumula sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay mula  P498.03 hanggang P3,703.11.

Sa kasalukuyang Level 6, ang mga pasahero ay nagbabayad ng  P185 hanggang P665 na fuel surcharges para sa domestic flights, depende sa layo ng biyahe.

Nasa P610.37 hanggang P4,538.40 naman ang surcharge para sa international flights.

“Airlines wishing to impose or collect fuel surcharges for the same period must file [their] application with this Office on or before the effectivity period, with fuel surcharge rates not exceeding the above-stated level,” ayon sa CAB.