TINIYAK kahapon ng pamahalaan sa publiko na may sapat na suplay ng tubig at koryente habang umiiral ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa Metro Manila ay nagbigay ang National Water Resources Board (NWRB) ng full water allocation na 46 cubic meters per second sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) mula sa Angat Dam sa Bulacan hanggang April 30.
Batay naman, aniya, sa report ng Department of Energy (DOE), nasa 11,795 megawatts ang aktuwal na kapasidad ng mga power plant sa Luzon, na mas mataas sa actual peak demand na 7,323 MW sa rehiyon.
“This means we currently have an excess capacity of 4,742 MW,” paliwanag ni Nograles sa isang televised briefing.
Ang mataas na demand at manipis na suplay ay karaniwang nagaganap tuwing tag-init, na nagsimula noong nakaraang buwan.
Ang Luzon-wide quarantine, na ipinatupad ng gobyerno noong Marso upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ay nakatakda sanang magtapos noong April 13 subalit pinalawig ito ni Presidente Rodrigo Duterte hanggang April 30.
Comments are closed.