(Sa pinangangambahang pagkalat ng Omicron) BUONG MUNDO NAKAALERTO

NAKAALERTO na ang buong mundo sa pinangangambahang pagkalat ng Omicron variant ng COVID-19.

Ito’y makaraang makapagtala na rin ng kaso ang Italy at Germany, bukod pa sa Belgium, Hongkong, Botswana, Israel at South Africa, kung saan una itong nadiskubre.

Ibinabala ng European Centre for Disease Prevention and Control na malaki ang posibilidad na kumalat sa Europa ang nasabing variant habang tumitindi ang taglamig.

Nagpatupad na rin ng kani-kanilang travel ban ang UK, US, Germany, Czech Republic, France, Netherlands, Australia para sa mga biyaherong nagmumula sa South Africa at mga bansang may kumpirmadong kaso ng Omicron variant.

Ikinokonsidera naman ng Pilipinas ang pagpapalawak at pagpapalawig ng travel ban upang mapigilan ang pagkalat ng panibagong COVID-19 variant.

Ito ang tugon ni Department of Health director Beverly Ho makaraang irekomenda nila sa Malakanyang ang suspensyon ng flights mula Hong Kong, kung saan may dalawang kumpirmadong kaso ng bagong variant.

Una nang nagpatupad ng travel ban ang Pilipinas sa South Africa, kung saan unang nadiskubre ang Omicron, maging sa Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini at Mozambique hanggang Disyembre 15. DWIZ882