SA PINAS, LIBRE ANG EDUKASYON

Sabi ng mga taga-University of the Philippines: “Education is a right, not a privilege.” Talaga lang, ha! Sa taas ng tuition fees sa mga unibersidad at kolehiyo, ilan sa mga Filipino ang makaka-afford nito?

Mantak mong $US5000 sa De La Salle University (halos P300,000) na trimestral pa — meaning, halos isang milyong piso para pa lamang sa tuition fees sa loob ng isang taon.

Buti pa sa Ateneo de Manila, P137,000 lamang per semester — pero napakalaki pa rin! Saan naman magnanakaw ang karaniwang manggagawang Filipino ng P274,000 kada taon, pwera pa ang ibang gastusin, kung ang sweldo mo per day ay wala pang P600?

May medyo mura naman. Yung ang tuition fees ay mula P50,000 hanggang P90,000 depende sa kursong kukunin mo.

Ngunit dapat tandaang sa pag-aaral, hindi lamang tuition fees ang usapan. Syempre, yung baon, boarding house, projects, uniform at marami pang ibang gastusin. Kaya ba?

Pero salamat na lang at nagkaroon ng batas na tinatawag na Universal Access to Quality Tertiary Education Act, o Republic Act 10931. Isa itong  batas sa Pilipinas kung saan libre ang tuition at exemption sa iba pang bayarin kung mag-aaral sa kahit aling state universities and colleges (SUCs), at local universities and colleges (LUCs) sa Pilipinas.

Para umano ito sa mga underprivileged Filipino students na gustong mag-aral ngunit walang kakayahang magbayad ng tuition fees, at hindi rin naman gaanong matalino kaya hindi makakuha ng scholarship.

Naipasa ito noong 2017, panahon ng panunungkulan ni former President Rodrigo Duterte.

Layon nitong bigyan ng mas magandang pagkakataon ang mga Filipino na makapagtapos sa pag-aaral sa kolehiyo.

Kaugnay naman ito ng K-12 program ng Department of Education (DepEd) kung saan inaasahang ang mga matatapos ng Grade 12 ay nasanay na sa kahandahan upang makapagtrabaho kung ayaw na nilang magpatuloy sa kolehiyo — bagay na sa palagay namin ay hindi pa lubusang matagumpay sa kasalukuyan.

Ngunit libre talaga ang tuition fees at miscellaneous fees, pati na laboratory fees sa lahat ng SUCs at LUCs, kaya wala nang dahilan ang mga magulang para hindi pag-aralin ang kanilang mga anak. Bukod pa diyan, napakaraming mga sponsorship at scholarship sa mga local governments, na hindi nangangailangan ng matataas na grades.

Kahit pa ang gustong kurso ng bata ay abugasya o engineering — kahit pa nursing at medicine, may SUC at LUC na tatanggap sa kanya. Yun nga lamang, dahil libre, mas mataas na ngayon ang standard ng mga SUCs at LUCs. Bukod sa kailangang ipasa ang entrance examination, bawal ding bumagsak sa kahit anong subject, kahit pa PE.

Sakaling bumagsak sa entrance exams, huwag nating kalilimutang mayroon pa tayong TESDA, na nagsasanay rin ng libre para sa mga short courses na in-demand sa abroad.

Sa totoo lang, gamit na gamit ang TESDA ng mga Pinoy dahil napakarami talagang gustong magtrabaho sa abroad .

Kaya samantalahin na ang pagkakataong ito. Noong ako ang estudyante, sobra akong nahirapan magtrabaho at mag-aral ng sabay. Ngayon, ito na ang tsansa nyo. Make yourself big in the future.

JAYZL VILLAFANIA NEBRE