(Sa pinsalang idinulot) KUMPANYA NG SUMADSAD NA BARGE CARRIER PANANAGUTIN

CAVITE – NAKAHANDA nang alisin ang sumadsad na TM-1900 Barge Carrier nitong Lunes sa pantalan sa Brgy. Wawa 2, Rosario sa lalawigang ito.

Ayon kay Resty Esteban, Operation Manager ng Key West Shipping Corp., nagmamay-ari ng naturang barge, aalisin nila ngayong araw ang sumadsad na barge sa tulong ng dalawang tug boat papunta Mariveles Bataan na pansamantalang gagawing sheltering area habang gumugulong ang kaso.

Pananagutin ang kumpanya ng barge na pagmamay-ari ni Jurgen Sy ng Gorordo Avenue, Cebu City sa iba’t ibang perwisyong idinulot nito.

Ang naturang barge ay siyang humahakot ng lupang bundok mula sa Botolan, Zambales papunta sa ginagawang container yard project sa Capipiza Tanza, Cavite na nag-umpisa ngayong taon lamang.

Sa panayam kay Esteban, nito  lamang Hul­yo 22 ay sumalpok din ang nasabing barge sa pantalan ng Tanza Oasis Hotel and Resort dulot ng bagyong “Carina”.

 Nakasampa na sa korte ang kasong civil laban sa kumpanyang Key West Shipping Corp.

Isa rin ang barge ng kumpanya na sumalpok sa tulay F. Manalo Bridge sa Manggahan, Pasig nitong nakaraan lamang matapos anurin ng rumaragasang tubig ilog.

May sakay na limang tripulante ang naturang barge bago ito sumadsad at tuluyang sumalpok sa pantalan.

SID SAMANIEGO