BULACAN- UMAABOT sa 289 na kalabaw at ilang kabayo mula sa iba’t ibang bayan sa Pampanga at lalawigang itoang nakiisa sa pista ng San Isidro Labrador sa bayan ng Pulilan.
Makikitang buhay na buhay ang kultura dahil sa pagluhod ng mga kalabaw sa harap ng simbahan ng San Isidro de Labrador na ginugunita tuwing Mayo 14 hanggang Mayo15 kada taon.
Dalangin ng mga magsasaka biyayaan sila ng masaganang ani ng palay at gulay sa kanilang mga sakahan.
Bukod dito, ipinarada rin ang mga bahay kubo na puno ng sabit-sabit na gulay at ibat-ibang produkto mula sa mga magsasaka at negosyante.
Nagpatingkad din sa pagdiriwang ang isinagawang street dancing ng pitong paaralan na may kanya-kanyang tema ng patron ng magsasaka na si San Isidro Labrador.
Dalawang taon matapos ang pandemya ng COVID-19, muling sumigla ang mga residente dahil sa aktibidad kung saan hindi na napigil ng mga marshal ang pagdagsa ng mga tao na dumalo sa pagdiriwang.
At dahil sa tindi ng init ng panahon,may ilang mga estudyante ang nawalan ng malay habang nasa pila nang street dancing.
Matapos ang parada, nag-iwan ng isang katerbang basura ang mga dinaanan nito . THONY ARCENAL