(Sa price tag law) ONLINE SELLERS TINUTUTUKAN

INAMIN ng Department of Trade and Industry (DTI) na puspusan ang monitoring nila sa mga online seller na lumalabag sa price tag law.

Ito ay kasunod ng mga talamak na reklamo ng mga buyer hinggil sa biglaang pagbabago sa halaga ng mga inorder na produkto.

Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Marie Nograles, paglabag ito sa Article 81 ng Republic Act No. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines o mas kilala sa tawag na Price Tag Act.

Bukod sa mga biglaang pagbabago ng presyo kapag na-deliver na ang produkto, maaari ring makasuhan ang mga online seller na hindi nagsasabi ng presyo habang naka-post ang produkto.

Sinabi ni Nograles na maging ang mga live seller ay dapat ding maging transparent sa presyo at mali, aniya, na isasagot sa nagtatanong ng presyo ang “PM sent” o ime-mensahe na lamang sa messenger ang halaga ng napiling produkto.

“May paglabag po sa Consumer Act ang ganitong online seller at kami sa DTI ay handang magkaso sa mga violator,” ayon kay Nograles.

Bukod sa online sellers, hinimok din ng DTI ang mga trader sa mga pamilihan at mga supermarket na maglagay ng presyo sa kanilang itinitinda.

Sakali aniyang magkaroon ng dobleng price tag, kung ano ang maliit na presyo, iyon ang dapat sundin.

EUNICE CELARIO