NAKAAMBA ang panibagong pay hike para sa mga kawani ng pamahalaan sa susunod na taon kasunod ng alokasyon ng P16.5 billion para rito sa panukalang 2024 national budget, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa isang statement, sinabi ng DBM na ang panukalang budget para sa salary increase ay nasa ilalim ng mga probisyon ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) na kasama sa 2024 National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang adjustments sa compensation packages sa public sector ay maaaring ikonsidera sa susunod na taon.
“The amount [of PHP16.5B] was determined to approximate the cost in the possible increase, between two to eight percent, in the monthly basic salary of the different positions in the national government,” wika ni Pangandaman.
Naunang sinabi ni Pangandaman na tumanggap ang Governance Commission for GOCCs (GCG) ng P48 million ngayong taon para sa pagbabayad ng specialist services group na magsasagawa ng komprehensibong pag-aaral sa Compensation and Position Classification System para sa government sector.
Sinabi ni Pangandaman na ang planong pagpapatupad ng panibagong wage hike ay alinsunod sa direktiba ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin na ang compensation packages sa gobyerno ay “generally competitive” sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
“The final cost requirement [of the increase] shall be determined once the results of the study have been presented and finalized,” aniya.
“Ito po ay para ma-encourage ang ating mga kababayan na pumasok sa gobyerno, at para na rin po ma-motivate ang ating existing employees na manatili sa gobyerno at mag-perform nang maayos,” dagdag pa ni Pangandaman.
Sa bisa ng Republic Act 11466 o ang Salary Standardization Law of 2019, ang huling tranche ng salary hikes para sa mga empleyado ng pamahalaan ay ipinatupad noong Enero ngayong taon.
Ang modified Salary Schedule para sa civil personnel ay ipinatupad sa apat na tranches, mula 2020 hanggang 2023.
Naglaan din ang DBM ng P1.37 billion sa proposed 2024 NEP upang pondohan ang karagdagang P1,000 sa uniform o clothing allowance ng mahigit 1.3 million government employees.
-(PNA)