PINAALALAHANAN ng Department of Education (DepEd) ang mga paaralan na walang kokolektahin bayad mula sa mga mag-aaral at guro sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralang elementarya at sekondarya sa panahon ng enrollment at anumang oras sa taon ng pasukan.
Sa DepEd Memorandum No. 41, s. 2024, o ang Reiteration of the “No Collection Policy” in schools na siyang paalala ni Education Secretary Sonny Angara sa field at school officials na ang pagbebenta ng mga tiket o koleksyon ng mga kontribusyon sa anumang anyo mula sa mga mag-aaral, guro ng publiko at pribado ng mga paaralan kolehiyo at unibersidad ay ipinagbabawal.
Sinasaklaw ng pagbabawal ang sinumang tao para sa anumang proyekto o layunin, boluntaryo man o hindi.
Gayunpaman, hindi saklaw ng nasabing patakaran ang mga bayarin sa pagiging miyembro ng Red Cross, Girl Scouts of the Philippines, at Boy Scouts of the Philippines.
Ang mga kontribusyon ng mga magulang at iba pang donor at stakeholder para sa suporta ng mga mataas na paaralan sa barrio ay hindi rin sakop ng pagbabawal.
Alinsunod sa Republic Act No. 4206, ang mga hindi susunod sa pagbabawal ay papatawan ng multa o pagkakakulong ng hindi hihigit sa isang buwan o pareho, sa pagpapasya ng korte.
Kaya’t pinayuhan din ang mga tauhan ng DepEd na iwasan ang mga hindi makatwirang kahilingan at pangongolekta ng kontribusyon gaya ng nakasaad sa DepEd Order No. 49, s. 2022, na kilala rin bilang Mga Pagbabago sa DO No. 47, s. 2022, o ang Promotion of Professionalism in the Implementation and Delivery of Basic Education and Programs and Services.
ELMA MORALES