NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang Bureau of Immigration sa tatlo bansa upang magkaroon ng ‘data sharing’ na makatutulong mabawasan ang bilang ng mga dayuhang nagtatago sa Pilipinas para iwasan ang kanilang mga kaso sa sariling bansa.
Sa pagdalo sa first year anniversary ng “MACHRA Balitaan sa Harbor View’ na isinagawa ng Manila City Hall Reporters’ Association sa Harbor View Restaurant sa Ermita,Maynila, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na mayroon na umanong mga komunikasyon sa hindi bababa sa tatlong bansa upang makakuha ang BI ng impormasyon ukol sa kanilang nationals na may kaso at itinuturing na ‘flight risks’.
Ani Tansingco, kadalasan, ang mga banyagang may kaso sa kanilang bansa ay nagtutungo sa Pilipinas upang makaiwas sa ‘prosecution’ sa bansa nila.
Sa bahagi naman ng BI personnel, kapag walang nakitang problema sa dokumento o record ay pinapayagang makapasok ang isang banyaga sa Pilipinas at ang iba sa kanila ay nagiging ‘fugitives from justice’ kalaunan.
Aniya, may 157 bansa ang nakakapasok sa Pilipinas nang hindi na kailangan pa ng visa.
Nakipag-ugnayan na umano ang tanggapan ng BI at nakapag-propose na din ng ‘data sharing arrangement’ na ang layunin ay mapigilan ang mga may kaso na takasan ang batas ng kanilang bansa.
Kung may kumpletong records ang BI ng foreign nationals na may kinakaharap sa kanilang sariling bansa, maari na umano silang hindi papasukin ng Pilipinas dahil sa magiging ‘fugitives from justice’ lamang sila.
“Para di na sila makapasok. Makakatulong ito sa ating bansa, makakatulong din sa kanilang bansa,” ani Tansingco.
VERLIN RUIZ