POLITICS is a blood sport!
Ito ay malinaw na makikita sa galawang pulitika sa Las Pinas City na magkakadugo ang ngayon ay magbabanggaan sa hangaring manatili sa kapangyarihan.
Pinasikat ng katagang “Politics is a blood sport’ na iniuugnay kay Aneurin Bevan, isang kilalang pulitiko sa kalagitnaan ng ika-20 siglo at ito ay ating nasasaksihan sa mga karahasan, pagpatay sa mga pulitikong nag-aagawan sa isang halal o hinihirang na puwesto at tungkulin sa pamahalaan.
Dugong Aguilar — mula sa patriarka na si Don Felimon Aguilar — ang noon pang dekada 60 ay siya nang naghahari sa Las Pinas, at saglit lang na naputol ang paghawak sa poder ng kapangyarihan sa siyudad matapos ang EDSA People’s Revolt nang palitan ni Tita Cory ang mga mayor at gobernador.
Pero makaraan niyon, bumalik ang pamilya Aguilar, at nagpalitan ang mag-asawang Mayor Nene at Imelda Aguilar sa upuan sa cityhall ng Las Pinas.
Lalong humigpit ang hawak ng pamilya Aguilar sa Las Pinas at noon ay kasama ang Muntinlupa sa isang distrito nang maging kongresista si Manny Villar, mister ng ngayon ay last termer na Sen. Cynthia Aguilar-Villar.
Maiiwan sa Senado ang anak nito, si Sen. Mark Villar, kapatid ni Rep. Camille Villar na nasa tiket ngayon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para kandidatong senador sa midterm elections sa Mayo 2025.
Akala natin, magreretiro na si Madam Cynthia, pero hindi pa pala siya napapagod, at ngayon, siya at ang pamangking Vice Mayor April Aguilar-Neri ang balita na magbabanggaan sa pagka-alkalde ng Las Pinas.
Si April ay anak ni dating mayor Nene at Imelda T. Aguilar na sinabi, siya ay handang labanan ang kanyang Tita Cynthia.
Noon pa, tinatarget ni Ma’am Cynthia ang Las Piñas na hindi nangyari dahil sa pakiusap ng nakababatang kapatid, ang yumaong ama ni April, pero ngayong wala na ang kapatid, wala nang makapipigil, bakbakan na sila, kahit magkadugo pa!
Sa pulitika, kahit mag-ama, magkapatid ay nagbabanatan sa paniniwala, sila lamang ang pwedeng makapagbigay ng serbisyo sa bayan.
Marami ang nagsasabi, bakit hindi na lang ipaubaya ni Sen. Cynthia kay April ang Las Pinas, tutal, senador na ang anak niya — si Mark– at tumakbo na lang siya na kongresista na babakantehan ni Rep. Camille.
Pero ang balita, tatakbong kongresista ang manugang, si dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Justice (DoJ) Undersecretary Emmeline Aglipay-Aguilar, misis ni Sen. Mark.
Dahil walang mapupuwestuhan, mayorship ng Las Pinas ang target ni Madam Cynthia, e ano ba kung pamangking-buo ang kanyang makakabangga.
Ano pa ba ang inaambisyon ni Cynthia sa pulitika na ayon sa mga taga-Las Pinas, dapat na itong magretiro, hayaan na ang pamangkin sa pagka-mayor at samahan na lang sa pag-aasikaso ng kanilang negosyo ang mister niya, si Bilyonaryo, – dating Senate Pres. Manny Villar at pangulo ng Nacionalista Party.
May nagaganap daw na pag-uusap ang pamilya Aguilar-Villar at baka sakali, kung mapahinuhod, pagka-kongresista ang targetin ni Madam at ang makakabangga niya ay ang very popular, District One Top City Councilor at Minority Floor Leader na si Mark Anthony Santos.
May naipundar nang political capital si Santos sa Las Pinas — siya ay dating chief of staff ni Mayor Nene at kinatawan sa Metro Manila Council mula 2007 hanggang 2010.
Si Santos ang pinakabatang konsehal ng siyudad mula 1998-2001, at nagsisilbi sa ika-7 termino sa Sangguniang Panlungsod.
Nagdeklara na si Santos na kung tumakbong kongresista si Madam, hindi nila ieendorso at ikakampanya sa pagka-senador si Camille.
Marami ang nagsasabi, panahon nang pagbigyan ang bagong dugong pulitiko sa Las Pinas, tutal, mahigit nang tatlong (3) dekadang naghahari ang pamilyang Villar sa national at local politics.
Ano pa ba ang kailangang patunayan ni Aling Cynthia sa pulitika, wala na, wala na!
Wag namang maging gahaman sa poder, sabi ng maraming taga-Las Pinas, at sana raw, ipaubaya na sa ibang mas bata, tutal, may anak na siyang senador at kung papalarin, magsesenador pa ang nakababatang kapatid ni Mark, si Camille.
Pero kung hindi magpapaubaya si Aling Cynthia, ay totoo nga ang sinasabing sa pulitika, walang magkadugo; walang interes ng bayan kungdi ang interes ay pansarili lamang.
Pag nagkataon, walang magkadugo sa pulitika, kahit “magkaduguan” na masunod lamang ang kagustuhang manatili sa kapangyarihan!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].