MARAMING Pinoy ang inaasahang makikinabang sa ganap na pag-arangkada ng modernisasyon sa mga pampublikong transportasyon sa bansa, ayon sa Department of Transportation.
Sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na magandang kaganapan ang pagtugon ng mga local manufacturer ng “iconic” jeepney sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Pagbibigay-diin niya, mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng trabaho sa paglikha ng moderno ngunit orihinal pa ring disenyo ng mga jeepney.
Una nang sinabi ni Bautista na marami nang local manufacturer ng “iconic” jeepney ang nagpahayag ng suporta para gumawa ng mga makabagong bersyon nito na nakasusunod sa pamantayan ng pamahalaan.
Ani Bautista, dahil dito ay hindi lamang makapagbibigay ng ligtas, malinis, at maginhawang biyahe ang ipinagmamalaking jeepney ng Pilipinas kundi mapananatili rin nito ang kasaysayan, gayundin ang kultura ng bansa sa aspeto ng transportasyon.
EVELYN GARCIA