(Sa Q1 2024) $377-M NET ‘HOT MONEY’ PUMASOK SA PINAS

UMABOT sa USD377 million ang foreign portfolio investments na pumasok sa bansa sa first quarter ng taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang foreign portfolio investments ay tinatawag ding ‘hot money’ dahil sa kaluwagan ng pagpasok at paglabas ng pondo sa merkado.

Sa datos na inilabas ng BSP nitong Miyerkoles, ang net inflows sa naturang panahon ay resulta ng USD4.1 billion na gross inflows at USD3.8 billion na gross outflows.

Ang net inflow sa unang tatlong buwan ng taon ay kabaligtaran din ng USD328 million net outflows na naitala sa first quarter ng 2023.

Ang registered investments sa first quarter ng 2024 ay tumaas ng 42 percent mula USD2.9 billion noong nakaraang taon.

Samantala, ang gross outflows ay tumaas ng 16 percent mula USD3.2 billion sa first quarter ng 2023.

Ayon sa BSP, noong Marso lamang, ang hot money ay nagtala ng net outflows na USD236 million na resulta ng  USD1.6 billion gross outflows at USD1.4 billion gross inflows.

Sa USD1.4 billion registered investments noong Marso, 56.7 percent o USD798 million ay nasa Philippine Stock Exchange-listed securities.

Karamihan sa mga ito ay investments na isinagawa sa mga bangko, holding firms, property, transportation services, at  food, beverage, and tobacco, habang ang nalalabing 43.3 percent ay nasa peso government securities.

“Investments for the month mostly came from the United Kingdom, Singapore, United States, Switzerland, and Luxembourg with combined share to total at 83.6 percent,” ayon sa BSP.

(PNA)