INIULAT ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI) at ng Truck Manufacturer Association (TMA) na tumaas ang local vehicle sales sa first quartet ng taon ng 12.7 percent.
Mula sa 97,284 units na naibenta sa kaparehong panahon noong 2023, ang vehicle sales ay tumaas sa 109,606 units sa unang tatlong buwan ng 2024.
Sa isang statement, sinabi ni CAMPI president Rommel Gutierrez na sa first quarter performance ng industriya ay nanatili itong “on track” para makamit ang full year target nito na makapagbenta ng 468,300 units.
Sa joint report ng CAMPI at TMA ay lumitaw na ang passenger cars at commercial vehicle segments ay kapwa lumago ng double digit sa Q1 2024.
Ang bentahan ng passenger cars sa unang tatlong buwan ng taon ay tumaas ng 14 percent sa 28,211 units mula 24,753 units sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Tumaas naman ang commercial vehicle sales ng 12.2 percent sa 81,395 units sa Q1 2024 mula 72,531 units na naibenta sa Q1 2023.
Ang passenger cars ang bumubuo sa 25.74 percent ng total sales sa first quarter ng 2024, habang ang 74.26 percent ay nagmula sa commercial vehicles.
“Year-to-date sales performance was driven by sustained demand for new vehicles, supported by overall supply improvement,” sabi ni Gutierrez.
Samantala, ang vehicle sales noong Marso 2024 ay pumalo sa 37,474 units, mas mataas ng 1.6 percent kumpara sa 36,880 units na naibenta sa kaparehong buwan noong 2023.
Year-on-year, ang bentahan ng passenger cars ay bahagyang tumaas ng 0.7 percent sa 10,127 units mula 10,058 units, habang sa commercial ay sumirit ng 2 percent sa 27,347 units mula 26,822 units.
(PNA)