MAS malaki ang kumpiyansa sa ekonomiya ng mga negosyo sa first quarter, second quarter at sa susunod na 12 buwan, ayon sa survey na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos ng BSP, ang pagtaas ng kumpiyansa sa Q1 ay dahil sa mas mataas na consumer demand, full reopening ng ekonomiya at pagbabalik sa pre-pandemic normalcy, paglakas ng business activities at paglawak ng mga negosyo at oportunidad sa healthcare, manufacturing at construction.
Sa Q1, Q2 at sa susunod na 12 buwan, umaasa ang mga negosyo sa paglakas ng piso kontra dolyar at sa pagtaas ng peso at borrowing rates.
Ayon sa survey, ang mga respondent sa industry, construction, services, at wholesale at retail trade ay pawang tumaas ang kumpiyansa.
Lumabas din sa survey na bagama’t umaasa ang mga kompanya na mananatili ang inflation sa ibabaw ng 2-4 target range ng pamahalaan, inaasahan ding huhupa ito.
Umaasa ang mga negosyo na mag-a-average ang inflation sa Q1, Q2 at sa susunod na 12 buwan sa 7 percent, 6.9 percent at 6.6 percent, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ang inflation noong Pebrero ay bahagyang bumagal sa 8.6 percent mula 8.7 percent noong Enero.
Gayunman, lumitaw sa survey na ang mga negosyo ay pangkalahatan pa ring umaasa na mananatiling mahigpit ang access sa credit, kung saan posibleng tumaas pa ang interest rates at borrowing costs.