(Sa Q2 2024) FOREIGN INVESTMENT PLEDGES PUMALO SA P189.50-B

TUMAAS ang total foreign investment (FI) pledges na inaprubahan sa second quarter ng taon sa P189.50 billion mula P59.09 billion sa kaparehong panahon noong 2023.

Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, ang nasabing investment pledges ay nagmula sa anim na Investment Promotion Agencies — Board of Investments, BOI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Clark Development Corp., Philippine Economic Zone Authority, Subic Bay Metropolitan Authority, at Zamboanga City Special Economic Zone Authority.

Ayon sa PSA, ang Switzerland ang pinakamalaking pinagmulan ng investment pledges na nagkakahalaga ng P172.04 billion o 90.8 percent ng kabuuang pledges sa naturang panahon.

Sinundan ito ng Japan na may P7.68 billion at Malaysia na may P4.53 billion.

“The electricity, gas, steam, and air conditioning supply industry received the largest amount of approved FI at PHP172.74 billion or 91.2 percent of the total approved FI,” ayon sa PSA.

Sinundan ito ng manufacturing na may P12.39 billion, at administrative and support service activities na may P2.84 billion.

Sa mga rehiyon sa bansa, ang Negros Island ang tumanggap ng pinakamalaking share ng investment pledges na nagkakahalaga ng P86.46 billion.

Sumunod ang Calabarzon na may P6.93 billion at Central Visayas na may P4.35 billion.

Sinabi ng PSA na ang total investment pledges ng foreign at Filipino nationals ay lumago ng 125.4 percent sa P715.01 billion mula P317.23 billion sa second quarter ng 2023 at inaasahang lilikom ng 26,915 trabaho.

Dagdag pa nito na sa total investment sa second quarter, ang Filipino nationals ay nag-ambag ng P525.51 billion.