INAASAHANG bibilis ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa second quarter ng taon dahil sa mas mataas na household spending.
Sa pagtaya ng mga economic manager, ang second-quarter economic growth ay papalo sa 6.0%, mas mabilis sa 5.7% sa first quarter at sa 4.3% sa second quarter ng 2023.
“It’s probably close to at least the lower end of the target,” wika ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa sidelines ng Post-SONA Discussions sa Pasay City.
Nagtakda ang pamahalaan ng gross domestic product (GDP) growth target na 6% hanggang 7% para sa 2024.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ang consumption pa rin ang magiging pinakamalaking growth driver.
“Still, number one will be consumption because that’s the biggest part. I mean, household consumption is number one, and that’s supported by what we see on bank lending and credit cards, in spite of high interest rates,” ani Recto.
Sa pinakahuling datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay lumitaw na ang bank lending ay pumalo sa 14-month high na P12 trillion noong Mayo, na nagpapakita ng 10.1% year-on-year growth, ang pinakamabilis magmula noong March 2023.
Sinabi ni Balisacan na ang latest indicators ay nakaturo sa mas magandang GDP growth figures sa second quarter.
“The employment numbers are okay. Exports for the first half are turning out well,” anang NEDA chief.
Sa datos mula sa latest Labor Force Survey, noong Mayo, ang employment rate ay nasa 95.9%, na katumbas ng 48.87 million individuals na may trabaho o pinagkakakitaan sa naturang buwan.
Gayundin, ang exports mula Enero hanggang Mayo ay nagkakahalaga ng $30.84 billion, tumaas ng 7.8% mula $28.61 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“These are pretty good indicators,” ani Balisacan. “I’ll wait for a few more numbers, especially the official data.”