(Sa Q3 2024 — SWS) PINOY NA DUMANAS NG GUTOM DUMAMI

MAS maraming pamilyang Pinoy ang nakaranas ng gutom sa third quarter ng 2024, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Sa national Social Weather Survey na isinagawa noong September 14-23, natuklasan ng research firm na 22.9 percent ng pamilyang Pinoy ang nakaranas ng gutom at walang makain, kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Ang September 2024 hunger figure ay mas mataas ng 5.3 points kumpara sa 17.6 percent noong June 2024 at pinakamataas magmula nang maitala ang record-high 30.7 percent noong September 2020, sa panahon ng COVID-19 lockdowns.

Lumitaw rin sa survey na ang nakaranas ng gutom ay pinakamataas sa Mindanao sa 30.7 percent ng mga pamilya, sumunod ang Visayas na may 26 percent. Ang nakaranas ng gutom sa Metro Manila ay nasa 21.7 percent, at 18.1 percent sa balance Luzon.

“Compared to June 2024, the experience of hunger in Mindanao almost doubled from 15.7 percent to 30.7 percent. There was also a sharp increase in Visayas, from 13.7 percent in June 2024 to 26 percent in September,” ayon sa SWS.

Sinabi ng SWS na ang 22.9 percent hunger rate ay ang kabuuan ng 16.8 percent na nakaranas ng “moderate hunger”, at 6.1 percent na nakaranas ng “severe hunger”.

Ang moderate hunger ay yaong nakaranas ng gutom ng “isang beses lamang” o “ilang beses” sa nakalipas na tatlong buwan, habang ang severe hunger ay yaong naranasan ito nang “madalas” o “lagi” sa kaparehong panahon.

Ang Third Quarter 2024 Social Weather Survey ay isinagawa gamit ang face-to-face interviews sa 1,500 adults sa buong bansa — 600 mula sa Balance Luzon, at tig-300 sa Metro Manila, Visayas at Mindanao.