(Sa Q4 2023) FOREIGN CURRENCY DEPOSIT UNITS LENDING BUMABA

BUMABA ang outstanding loans na ipinagkaloob ng foreign currency deposit units (FCDU) ng mga bangko sa huling quarter ng 2023, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang FCDU lending ay nasa $15.2 billion hanggang noong December 2023, bumaba ng $340 million o 2.2% mula $15.5 billion noong third quarter.

Nagtala rin ito ng $621 million o 3.9% na pagbaba mula sa $15.8 billion na naitala noong December 2022.

Ang FCDU maturity loan portfolio ay predominantly medium/long term o yaong maaaring bayaran sa loob ng mahigit isang taon, na bumubuo sa 78.6% ng kabuuan sa naturang panahon.

Ang pautang sa mga residente ay nasa $9.2 billion o 60.6% ng  total outstanding FCDU loans, kung saan karamihan ay napunta sa power generation ($2.3 billion o 25%), merchandise and service exporters na may $2.3 billion o 25.0%, at  towing, tanker, trucking, forwarding, personal, and other industries na may $1.2 billion o 12.8%.

Ang disbursements sa huling tatlong buwan ng 2023 ay pumalo sa $18.0 billion, na mas mataas ng 5.4% kumpara sa $17.1 billion na naitala noong third quarter, sa likod ng pagtaas sa funding requirements ng isang foreign bank branch affiliate.

Naitala naman ang loan repayments sa $18.4 billion o mas mataas ng 8.4% kumpara sa $17.0 billion sa naunang quarter, na nagresulta sa overall net repayment.

Samantala, ang liabilities ay nasa all-time high na $54.4 billion, mas mataas ng $2.6 billion o 5.1% kumpara sa $51.8 billion noong third quarter, na ayon sa central bank ay dahil sa pagtaas sa FCDU time certificate of deposits na pag-aari ng resident individuals.

Malaking bahagi ng deposits o $53 billion o 97.4% ay pag-aari ng mga residente, na nagsisilbing karagdagang buffer sa gross international reserves ng bansa.

Sa pagtatapos ng 2023 ay nagtala ang Pilipinas ng  $102.5 billion na gross international reserves.