NAKUMPISKA ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang P197 million na halaga ng smuggled cigarettes sa mga serye ng operasyon sa Quezon City at Caloocan.
Ayon kay CIDG chief Maj. Gen. Leo Francisco, isinagawa ng Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit (AFCCU) ng grupo, sa pakikipagtulungan sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ang mga pagsalakay noong Huwebes ng gabi.
Unang sinalakay ng mga awtoridad ang isang bodega sa 61 Balingasa Street, Balintawak, Quezon City dakong alas-9 ng gabi, kung saan naaresto ang isang Chinese national at dalawang Pinoy.
Nakakumpiska ang pulisya ng 1,729,248 packs ng smuggled cigarettes, na tinatayang nagkakahalaga ng P184,275,000.
Dakong alas-11 ng gabi, sinalakay naman ng pulisya ang isang bodega sa 163 F. Roxas Street, 6th Avenue, Grace Park West, Barangay 54, Caloocan City, kung saan nasamsam ang 170 kahon ng illicit cigarettes, na tinatayang nagkakahalaga ng P12,750,000.
Sinabi ni Francisco na ang lahat ng nasamsam na produkto ay walang BIR tax stamps, patunay na ang mga ito ay puslit.
Ang mga nakumpiskang produkto ay dinala sa BIR main office, habang ang mga suspect ay nasa kustodiya ngayon ng CIDG-AFCCU ay kakasuhan ng tax evasion sa ilalim ng National Internal Revenue Code.
ULAT MULA SA PNA