IBA na pala ang paraan kung paano maghakot ng manonood ng pelikula. Take the case of Liza Soberano at Enrique Gil na tambak na block screening ang ginagawa plus personal appearances nila para makasiguro na may manonood ng kanilang pelikulang Alone/Together.
Naisip lang namin, puwede nila itong gawin sa unang linggo pero ‘yung ikalawa at susunod pang linggo, kakayanin pa kaya nilang dalawa?
Ang tsika, sa unang block screening nila ay may theater tour sila sa 22 block screenings na in-organize ng fans kung saan may appearance ang dalawa bago mag-screening at sa kalagitnaan ng screening o pagkatapos ng screening.
May nagsabing hindi naman halatang napi-pressure ang LizQuen fans sa laki ng kinita ng The How’s of Us ng KathNiel kasi, ‘yun ang inaabangan ng lahat, e. Kung kaya bang talbugan o mapantayan man lang nila ang huling pelikula nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Kunsabagay, malay natin, baka next year ay sila naman ang tatanggap ng Camera Obscura ng FDCP, ‘di ba?
Well, dahil umamin na ang dalawa sa kanilang two- year relationship, inaasahang sila na ang magkasama sa Valentine’s day. Tradisyon na raw ng dalawa na magkasama sa araw na ito pero sa taong ito, nakatuon sila sa block screening ng kanilang pelikula kaya ise-celebrate daw nila ang Valentine’s Day sa ibang araw.
“We have block screenings on that day. I think 22 block screenings on that day so parang mahirap ‘ata isingit ‘yung dinner. Siguro i-reschedule na lang namin ‘yung dinner date namin.
Kahit mag-dinner na lang kami sa van on the way, basta magkasama kami. Dapat ‘di ka mai-stress sa Valentines, you know.”
Aniya, “Simple lang si Liza kahit saan dalhin, ok lang sa kanya.” Bawi naman siya agad, “I mean, you need to celebrate love and my love for her. And I think she deserves the best, only the best.
So I take her out to a beautiful dinner, flowers, mga classic, classic stuff.”
Pero nagkaroon sila ng kasunduan na hindi sila magbigayan ng mamahaling mga regalo mapa-valentine’s Day man o hindi.
“Parang we have to save up also for the future but, yeah, there’s a point where we give each other like expensive gifts.”
ELVIS PRESLEY OF ASIA PUMANAW NA
BUONG puso kaming nakikiramay sa mga naiwan ni Edgar Opida, kilala bilang Elvis Presley of Asia. Ayon sa kanyang may bahay na si Eva Opida ay biglaan ang pagkamatay ng kanyang asawa dahil binawian ito ng buhay habang inooperahan.
May bukol daw na nakita sa ulo ng pumanaw na mang-aawit kaya dinala siya sa St Luke’s Hospital. Base sa finding ng doktor ay malignant na daw ito kaya kailangan ang operasyon. Habang inooperahan ay binawian na raw ito ng buhay.
In his early 70s ay malakas pa si Edgar at katunayan ay ipinagtataka namin kung bakit napapadalas ang kanyang pagbabakasyon sa ibang bansa kasama ang pamilya. Pagpapahiwatig na pala niya ito ng kanyang pamamaalam.
Nahawakan niya ang titulong Elvis Presley of Asia, nang magkaroon ng show-down sa Japan ng lahat ng mga nag-iimpersonate sa King of Rock ‘N Roll ng buong Asya at siya ang nahirang.
Namatay siyang isang legend na tulad ni Elvis Presley na hanggang ngayon ay naalaala pa rin ng lahat dahil sa kanyang mga awitin.
Nakaplano rin ang pagsasama nila ni Eddie Mesa sa aking show – The Stage Is Yours at ang labi ni Edgar ay nakalagak sa Saint Peter Chapel, Araneta Avenue, Quezon City.