MAHIGIT sa 70 bilang ng mga drug personalities ang sumasailalim sa Monitoring Procedure sa harap ng pulisya, lokal na opisyal at ng Regional Trial Court (RTC) Probation Officer na ginanap sa Sangguniang Bayan ng Pila, Laguna.
Isinagawa ang naturang pagtitipon kaugnay ng batas na pinaiiral ng Hukuman na dapat sundin ng nabanggit na bilang ng mga drug suspect na nasa ilalim ng Probation o ang Reformation Program ng gobyerno.
Pinangunahan ito nila Pila Municipal Vice Mayor Reggie Bote, Pila Chief of Police PCapt. Jean Alagos, Probation Officer Aries Navarro at tumayong Pastor na si Mario Balota.
Pinakiusapan at hiniling ni Bote sa mga ito na magbagong buhay, harapin ang kani-kanilang mga pamilya at tuluyan ng iwasan ang ipinagbabawal na droga.
Ayon kay Alagos, pawang mga surrenderee at nasa Drugswatchlist ang mga ito at kasalukuyang nasa ilalim ng Probation kaya kailangang i-report ng lingguhan ang mga ito sa kanilang Barangay at isang beses naman sa loob ng isang buwan sa himpilan ng pulisya.
Dagdag pa ni Alagos na layon nito na ma-monitor ang mga ito para hindi na bumalik pang muli sa pagtutulak at paggamit ng droga.
Sa 17 Barangay ng Pila, 9 na dito ang drug cleared na at inaasahang matapos ngayong taon.
Sinabi naman ni Navarro, malaki na ang nabawas na bilang ng mga preso sa mga piitan na may kaso sa droga mula ng magkaroon ng Plea Bargaining.
Binigyang-diin nito, noon ay nagsisikip ang mga piitan dahil sa dami ng mga may kaso sa droga, ngayon naman sa kanilang tanggapan nag-sisikip dahil sa pag-avail ng mga ito ng Plea Bargaining Agreement para sa pansamantala nilang kalayaan. DICK GARAY
Comments are closed.